Aklatang Bayan
Isang malaki’t pangunahing kapisanan ng mga manunulat ang Aklatang Bayan na naitatag sa panahon ng pananakop ng mga Amerikano noong 1910 sa Tondo, Maynila.
Naging pangulong tagapagtatag si Rosauro Almario samantalang naging kalihim naman si Gerardo Chanco. Sinundan ni Precioso Palma si Almario bilang pangulo, at pagkatapos, ni Julian Cruz Balmaceda na naging pangulo noong 1920 hanggang sa kaniyang kamatayan noong 1947.
Maraming sumulpot na samahang pangmanunulat sa Filipinas, lalo na sa Kamaynilaan, sa panahong iyon. Ngunit sa Aklatang Bayan natipon ang mga unang haligi ng panitikang Tagalog na gaya nina Lope K. Santos, Carlos Ronquillo, Faustino Aguilar, Severino Reyes, Iñigo Ed. Regalado, Hermenegildo Cruz, Patricio Mariano, at marami pa.
Naging makabuluhan ang Aklátang Báyan sa pagsusúlong ng kapakanan ng wika’t panitikan sa Tagalog. Nagdaos ito ng mga tertulya at programa para sumigla ang mga manunulat. Nanguna ito sa pagkampanya para sa Tagalog bilang wikang pambansa sa 1935 Kumbensiyong Konstitusyonal.
Nanguna ito sa pagdiriwang ng mga araw nina Balagtas, Bonifacio, at Plaridel, at kaipala ay pangunahing kasangkot sa pag-iisip at pagdaraos ng unang balagtásan. Sa hanay nitó hinugot ang mga kilaláng nobelista, sarsuwelista, makata, at peryodista sa bungad ng ika-20 siglo.
Nanguna din ang mga kasapi ng Aklátang Báyan sa pagsusúlong ng panitikang makabayan at laban sa Amerikanisasyon. Narito ang kontradiksiyon sa tinatawag ni Virgilio S. Almario na taglay niláng diwa ng “Balagtasísmo.”
Sa isang bandá, masigasig siláng buhayin ang mga adhikang mapagpalaya ng Himagsikang 1896. Sa kabilâng bandá, sa pagsalungat nilá sa modernisasyong hatid ng mga Amerikano ay nasadlak naman silá sa lubhang konserbatibong pagkupkop sa anumang tradisyonal, gaya ng tugma at súkat, at lubhang pagmamahal sa nakalipas.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Aklatang Bayan "