Sino si Severino Reyes?


Si Severino Reyes ay isang mandudula, direktor, at mangangatha. Kinikilala siyá bilang “Ama ng Sarsuwelang Tagalog.” Unang dula na isinulat ni Reyes ay ang R.I.P. (1902). Naging mapanuri ito sa komedya, ang anyong pandula na popular noon. Kasunod nitó, isinulat at idinirihe niyá ang Walang Sugat, isang naging bantog na sarsuwela.


May naitalang 26 sarsuwela at 22 dramang naisulat si Reyes. Kabilang sa mga sarsuwelang ito ang Minda Mora (1904), Filipinas para los Filipino(1905), Ang Pagbibili ng Pilipinas sa Hapon (1906), Ang Bayani ng Puri (1922) at Ang Puso ng Isang Pilipina (1923).


Ilan naman sa mga dramang naisulat niyá ang Sigalot ng mga Filipino at Americano 1898 (1910) at Ang Sigaw ng Balintawak (1911). Inorganisa rin niyá ang Gran Compania de la Zarzuela Tagala noong 1902 para itanghal ang kaniyang mga dula sa mga teatro ng Maynila at iba pang entablado sa mga kalapit na lalawigan.


Nang nagbukas ang Liwayway noong 1923, si Reyes ang naging unang patnugot nito at sinasabi na lumaki ang sirkulasyon ng magasin dahil sa kaniyang seryeng Mga Kuwento ni Lola Basiang. Mga kuwento ito ng kababalaghan at hango sa mga lumang alamat at metriko romanse na naging popular noong panahon ng Espanyol. Bukod sa ipinalibro noong 1975 at 1976, ginamit din ito na serye sa radyo.


Isinilang siyá noong 11 Pebrero 1861 kina Rufino Reyes, isang eskultor, at Andrea Rivera. Napangasawa niyá si Maria Paz Puato at nagkaroon sila ng 17 anak. Una siyáng nag-aral kay Catalino Sanchez, at nagtapos ng sekundarya at ng batsilyer sa sining sa Colegio de San Juan de Letran, at pilosopiya at literatura sa Unibersidad ng Santo Tomas.


Nang sumiklab ang digmaan noong 1896, inaresto siya ng mga Espanyol at ikinulong sa Fort Santiago. Ngunit nakalaya rin siya dahil sa husay niyang mag-Espanyol.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr