Nakalagay ang bolo sa mga diksiyonaryong Espanyol at Ingles bilang tawag diumano ng mga Filipino sa mahaba at mabigat na patalim na may isahang talim na ginagamit bilang pantabas ng dawag at bilang sandata.

Gayuman, wala ito sa lumang bokabularyo ng wikang Filipino. Sa halip, nakalagay naman ang mga singkahulugang gúlok, itak, at sundáng. Marami pang ibang uri at tawag sa patalim na ito sa ibang katutubong pangkatin ng Pilipinas.

Sa mga retrato at ilustrasyon ng karaniwang magbubukid o mangangahoy noong panahon ng Espanyol ay malimit na may hawak ito o nakasuksok sa baywang na bolo.

Dahil isa itong patalim na maraming gamit. Sa panahon ng kapayapaan, sagisag ito ng lalaking masipag at nagtatrabaho. Puwede itong pandikdik, pansungkit, panghukay, at iba pa.

Nagiging sandata lamang ito sa panahon ng kagipitan at pagtatanggol sa sarili. Sa El filibusterismo, napilitang humawak ng gulok sa Kabesang Tales nang pagbawalan siyang magdalá ng eskopeta upang bantayan ang kaniyang bukirin.

Sa panahon ng Himagsikang 1896, naging sagisag ng kagitingan ang Katipunerong may hawak na pulang bandila sa isang kamay at isang sundang sa kabila. Ganito ang imahen ng bantayog ng Unang Sigaw sa Balintawak.

Ito rin marahil ang pinagmulan ng tulang-pambata nitong ika-20 siglo tungkol sa Supremo ng KKK:
Andres Bonifacio
Standing on the bato
Holding a bolo
Cutting the ulo.

Ang totoo, may tulang-pambata rin na nagtatawa sa tao na mistulang isang armadong mandirigma ngunit makikikain lamang pala:
Ako’y ibigin mo lalaking matapang
Ang baril ko’y pito, ang sundang ko’y siyam.
Ang lalakarin ko’y parte ng dinulang,
Isang pinggang pansit ang aking kaaway.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: