Sino si Maximo Viola?
Ngayong araw, Oktubre 17, ang ika-164 taong kaarawan ni Maximo Sidon Viola. Ipinanganak siya noong 1857 sa bayan ng San Miguel, Bulacan at anak nina Pedro Viola at Isabel Sison.
Nagtapos ng kursong medisina sa University of Santo Tomas, nagtungo sa Barcelona, Espanya si Viola noong 1882 upang doon ipagpatuloy ang kanyang kurso at kalauna’y nakuha niya ang kanyang medical degree noong 1885. Habang nag-aaral, nakilala niya doon ang mga repormistang Pilipino gaya nina Marcelo del Pilar, Dr. José Rizal, at sumuporta rin siya sa kanilang mga ipinaglalaban.
Higit sa lahat, naging malapit na magkaibigan sina Viola at Jose Rizal, at minsang inanyayahan niya si Rizal na mamasyal sa mga mahahalagang lungsod sa Europa.
Si Viola rin ang nagpondo sa paglalathala ng unang nobela ng kaibigang si Jose Rizal na Noli Me Tangere noong Marso 1887, noong mga panahong gipit na sa salapi ang kaibigan. Hindi magkakaroon ng bunga ang unang obrang pangliteratura ni Rizal, kung hindi dahil sa perang ipinahiram ni Viola. Bilang pasasalamat, binigyan ni Rizal si Viola ng unang kopya ng Noli Me Tangere.
Bumalik si Viola sa Pilipinas sa parehong taon upang magsilbing doktor sa kanyang bayan, at muli ring nagtagpo ang magkaibigan nang bumalik si Rizal sa Maynila noong Hunyo 1892.
Nang sumiklab ang Himagsikang Pilipino noong 1896, naging mainit sa mata ng mga otoridad si Viola dahil sa kanyang kaugnayan kay Rizal. Naging rebolusyonaryo siya at ang kanyang kapatid makaraang bitayin ang kanyang bayaning kaibigan at napasama sa panig ni Heneral Emilio Aguinaldo nang itatag ang Republika ng Biak-na-Bato sa kanyang bayan.
Nang dumating ang mga Amerikano sa bansa ay ikinulong siya sa Malate, Maynila at sa Olongapo, Zambales dahil sa pagtangging makipagtulungan sa mga Amerikano. Ipinagpatuloy niya ang kanyang propesyon kahit nakakulong siya upang gamutin ang isang misteryosong sakit sa mga sundalong Amerikano.
Napalaya din siya at bumalik sa kanyang pribadong buhay kasama ang kanyang pamilya sa San Miguel, Bulacan, at naging tagapagtanggol ng mga maralitang magsasaka sa kanyang bayan mula sa mga mayayaman at mapagsamantalang negosyanteng dayuhan.
Binuo ni Viola ang Liga de Proprietarios, na siya rin ang naging Pangulo at sa pamamagitan nito’y sinuportahan ang mga magsasakang umaalma sa hindi patas na pagkukuha ng kanilang mga lupang sakahan.
Pumanaw siya dahil sa kanser sa edad na 76 noong ika-3 ng Setyembre, 1933 sa kanyang sinilangang bayan.
Sanggunian:
• Palafox, Q. J. (2012, September 6). Dr. Maximo S. Viola, the man who first read the Noli Me Tangere. National Historical Commission of the Philippines. https://nhcp.gov.ph/dr-maximo-s-viola-the-man-who-first-read-the-noli-me-tangere/
• The Kahimyang Project (n.d.). Today in Philippine history, October 17, 1857, Maximo Viola was born. https://kahimyang.com/kauswagan/articles/691/today-in-philippine-history-october-17-1857-maximo-viola-was-born
No Comment to " Sino si Maximo Viola? "