Sino ang Ama ng Archipelagic Doctrine ng Pilipinas?


Si Arturo “ka Turing” Modesto Tolentino o Arturo Tolentino ang tinaguriang Ama ng Archipelagic Doctrine ng Pilipinas. Siya ay isang diplomat at dating Senador ng Republika ng Pilipinas.


Ipinanganak siya noong Setyembre 19, 1910. Ngayong araw, Setyembre 19, 2021 ang kanyang ika-111 taong kaarawan. Ipinanganak siya sa Tondo, Maynila at anak ng mahirap na pamilya.


Salat man sa yaman, ang karangalan niya sa edukasyon ang naging kayamanan ng batang Arturo. Naging valedictorian siya sa Manila East High School (ngayo’y Victoriano Mapa High School) noong 1928 at naging cum laude sa University of the Philippines College of Law noong 1934 at naging bar topnotcher sa parehong taon. Nagtapos rin siya nang cum laude sa UP sa kursong philosophy, at nakakuha ng Doctorate of Law sa University of Santo Tomas.


Isang mahusay na orator at manunulat sa Philippine Collegian si Tolentino habang estudyante sa UP, at matalino sa pakikipagdebate, lalo na sa mga estudyanteng Amerikano sa mga prestihiyosong pamantasan sa Amerika.


Nagsilbi siyang propesor ng batas sa UP, UST, University of the East, Arellano University, Far Eastern University (FEU), San Beda College at Philippine Law School.


Unang sumabak sa pulitika si Tolentino noong 1949, nang mahalal na kinatawan ng Maynila, at muling nahalal noong 1953, kung saan naging Majority Floor Leader siya. Taong 1957 nang naupo siyang Senador at naging Pangulo ng Senado mula 1966 hanggang 1967, at nanatili sa Senado hanggang noong ideklara ang Batas Militar noong Setyembre 1972. Muling nakabalik sa gobyerno ni Pangulong Marcos si Tolentino nang itinalaga siya bilang Ministro ng Ugnayang Panlabas noong 1984 hanggang 1985, at mambabatas ng Batasang Pambansa mula 1984 hanggang 1986.


Siya ang naging running mate ni Pangulong Ferdinand Marcos sa ginanap na Snap Elections noong Pebrero 1986, kung saan naging madikit ang laban ng nakaupong Pangulo at ng kumakandidatong si Corazon Aquino. Naging madikit rin ang laban ni Tolentino at ng running mate ni Aquino na si Salvador Laurel, kung saan ayon sa NAMFREL ay mahigit 800,000 ang puwang ng boto sa pagitan nina Laurel at Tolentino, pero iba ang lumalabas na resulta ayon sa COMELEC.