Joseph Ejercito Estrada
Gayunman, ipinagmamalaki niya ang matagumpay na paglilingkod bilang alkalde ng San Juan, Metro Maynila at pagiging senador gayundin ang mga gawaing gaya ng pagtatatag sa Mowelfund.
Pinutol ang kaniyang pamumuno ng isang kasong impeachment na nauwi sa Pag-aalsang EDSA II at nagpatalsik sa kaniya noong 20 Enero 2001.
Isinilang si Erap, binaligtad na “pare” at paboritong palayaw kay Estrada ng mga kaibigan at tagahanga, noong 19 Abril 1937 sa Tundo, Maynila at pangwalo sa sampung anak nina Emilio Ejercito at Mary Marcelo.
Nagulat na lamang ang kaniyang pamilya nang mabalitaang lumabas siya sa pelikulang Kandilang Bakal noong 1954. Sinundan pa ito ng ibang pelikula at naisip ng ama na ipasok sa trabaho ang anak.
Naging drayber siya ng ambulansiya sa National Mental Hospital. Dito niya nakilala ang pinakasalang si Dr. Luisa (Loi) Pimentel, na naging isang senadora din.
Ngunit hindi napigil ang hilig mag-artista ni Erap at hindi rin mapigil ang kaniyang pagsíkat. Pumatok sa takilya ang Asiong Salonga (1961), tumanggap siya ng gawad FAMAS na best actor para sa Markang Rehas (1962), muling nagka-FAMAS sa Gerong Busabos (1964), at sa tatlo pa. Tumanggap din siya ng limang parangal bilang prodyuser ng mga pelikula.
Pinasok ni Erap ang politika noong eleksiyong 1967 at naging alkalde ng San Juan.
Samantala, itinatag niya ang Mowelfund (Movie Workers Welfare Fund) upang tulungan ang mga ordinaryong mangagawa sa pelikula. Nagwagi siyang senador noong 1986 at pangalawang-pangulo noong 1992. Dahil sa magandang rekord sa tungkulin at mataas na popularidad, ibinoto siyá sa pagkapangulo noong 1998.
Ngunit noong Oktubre 2000, ibinunyag ni Luis (Chavit) Singson, gobernador ng Ilocos Sur at kaibigan ni Erap, na tumanggap ang pangulo ng milyon-milyong suhol sa huweteng at buwis sa tabako.
Kumalat na rin noon ang anomalya hinggil sa kaniyang hilig sa babae, paglalasing, pagsusugal, at mamahaling ari-arian. Nakapasá ang kasong impeachment laban sa kaniya sa Mababàng Kapulungan at nilitis siya sa Senado.
Gumulo ang paglilitis at nauwi sa isang People Power. Ito ang tinatawag ngayong EDSA Dos at nagpatalsik kay Erap noong 20 Enero 2001. Naparusahan si Erap, napiit sa Kampo Capinpin, ngunit binigyan ng pardon. Nitóng eleksiyong 2010, kumandidato siyang pangulo ngunit natálo.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Joseph Ejercito Estrada "