Ang hagabi ay isang marangya at mahabang bangko na iniukit sa kahoy na ipinagkakaloob sa Kadangyan (pinakamataas na antas sa lipunang Ifugao) bilang trono o simbolo ng paggalang sa Cordillera. Tinutukoy rin nito ang isang pagdiriwang na may kaugnayan sa naturang upuan.


Bago maging Kadangyan ang isang Ifugaw, kailangan niyang magbigay ng isang marangyang pista na tinatawag na uya-uy. Nagsisimula ito sa dalawampung gabi ng pagsasayaw at nagtatapos sa tatlong araw na kainan at inuman. Matapos ang uya-uy, kailangan din niyang magbigay ng pista ng hagabi, para sa upuang magiging simbolo ng kaniyang kapangyarihan.


Orihinal na tinawag ito bilang ginulgulding na nangangahulugang “kagaya ng kambing” dahil ang magkabilâng dulo nitó ay may ukit ng ulo ng kambing.


Ang ginagawang hagabi sa ngayon ay may ukit ng isang hayop na may mahabang nguso at dalawang malaking tainga. Ang pangalang “ginulgulding” ay tawag din sa isang iniukit na upuan sa isang kuwentong Ifugaw.


Sinasabing sa Camandag, Kiangan, Ifugao, may dalawang magkapatid na sina Anniyan at Boyagon. Mayroon siláng paboritong alaga na dalawang isdang nahuli sa Ilog Camandag. Nang makabili ng maraming palayan ang mga magulang nilá, nagbigay ito ng pista ng ibbuy at ginawang handa ang alaga ng magkapatid. Dahil dito, naglayas ang dalawa at nagpunta sa isang malayong lugar na tinatawag na Tutung.


Nagpadala ang mga magulang ng mensahero sa magkapatid na nagmamakaawa sa kanila na bumalik na. Ipinayari nilá ang ginulgulding, isang kahoy na upuan, bilang kapalit ng mga alaga ng magkapatid. Nang matapos ang upuan, nagbigay silá ng marangyang pista at inimbitahan ang dalawa na magpunta ngunit tumanggi ang mga ito.


Dahil sa pagsisisi ng mga magulang, itinapon nila ang ginulgulding sa ilog. Tinangay ito sa Naliwan, malapit sa Lamut, sa probinsiya ngayon ng Nueva Vizcaya.


Natagpuan ito sa putikan ng lalaking nagngangalang Cabbigat. Dinalá niya ito sa kaniyang bahay at dinagsa ang ng mga tao mula sa malalayong lugar na nais makita ang upuan. Inisip ng ilan na kailangang gumawa ng naturang upuan para sa mararangyang pagdiriwang. Mula noon, lumaganap na ang kaugalian.


Tanging mayayaman lámang ang makapagdiriwang ng hagabi. Idinaraos ang pista tuwing tialgo o kung kailan may kakulangan sa bigas at maraming tao ang nagugutom.


Bago ganapin ang tialgo, kailangan niyang sumangguni sa mumbaki o pari upang malaman kung pabor dito ang mga diyos. Sa seremonyang mamaldang, papatay ng mga manok at titingnan ang kanilang apdo. Kung maliit at maputla ito, hindi sang-ayon ang mga diyos sa gaganaping hagabi.


Kapag pabor ang mga diyos sa pagdiriwang, pupunta ang mga mangangahoy at karpintero sa gubat upang pumili ng malaking punò ng naga o ipil upang ukutin ang hagabi. Kapag natapos ito, maraming tao ang magtutulungan upang mailabas sa gubat ang upuan hábang nagkakasayahan at nag-iinuman.


Sa pagdating ng hagabi sa bahay ng Kadangyan, magbabatuhan ng binilog na mainit na kanin ang mga tao. Susundan ito ng tatlong araw na kainan, inuman, at sayawan.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: