Tinaguriang “Unang Ginang” ng Teatrong Filipino si Daisy Hontiveros-Avellana (Déy·si On·ti·vé·ros-A·vel·yá·na).


Isa siyang aktres, direktor, prodyuser, at manunulat para sa teatro, radyo at pelikula. Lourdes Genoveva Dolores Pardo Hontiveros-Avellana ang kaniyang buong pangalan.


Iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Sining para sa Teatro noong 1999.


Walang katulad sa husay ang pagganap niya bilang Candida Marasigan sa dula at pelikulang Portrait of the Artist as Filipino ni Nick Joaquin.


Binigyang-buhay rin ni Daisy sa entablado ang tauhang si Doña Lupe (1978) ni Nick Joaquin sa Tatarin; sina Lady Macbeth (1959) at Desdemona (1953) ni William Shakespeare; si Bernarda Alba (1967) ni Federico Garcia Lorca; si Joan of Lorraine (1954) ni Maxwell Anderson; si Mary Tyrone (1958) ni Eugene O’Neil; sina Medea, Eleanor of Aquitaine, Sarah Bernhardt; at, marami pang karakter ng mga dulang lokal at inangkat.


Katuwang siya ng kaniyang asawa na si Lamberto Avellana at may limampung kapanalig sa pagtatatag ng Barangay Theatre Guild (BTG) noong 1939.


Ang BTG ang unang organisasyong panteatro sa Filipinas. Itinanghal ng BTG sa kanilang ang unang produksiyon ang Women are Extraordinary ni Wilfrido Ma. Guerrero, The Potboiler ni Gerstenberg, Nerves ni Farrar, at sa mga sumunod ay mga orihinal niyáng akda gaya ng And One was Valiant.


Ang una niyang akda para sa pelikula ay ang Sakay, na ginarawang pinakamahusay na iskrip noong 1939.


Sumulat din siya ng mga pinaikling dula na halaw mula sa Wuthering Heights, Joan of Lorraine, at Cradle Song na isinahimpapawid sa mga programa ng DZPI, DZHF at DZRP. Idinirihe para sa teatro ni Daisy ang Diego Silang (1968), at Walang Sugat (1971-1972).


Ang pagtatanghal ni Daisy ng dula ni Severino Reyes na Walang Sugat noong kapanahunan ng pagkakasuspinde ng writ of habeas corpus ay tumugon sa pangangailangang buhayin ang kaisipan laban sa panunupil.


Tubong-Lungsod Roxas, Capiz, ipinanganak siya noong 26 Enero 1917 at panganay sa magkakapatid na walong lalaki at dalawang babae nina Huwes Jose Hontiveros, huwes ng Korte Suprema, at Vicenta R. Pardo-Hontiveros.


Nagtapos siya ng Batsilyer sa Pilosopiya sa Unibersidad ng Pilipinas (1937), Master sa Sining sa UST (1938).


Nagsanay siya ng mga estudyante ng drama at nagdirihe ng mga dula sa Centro Escolar University (1938), St. Paul College (1949-1961), St. Theresa’s College, Assumption Convent, St Scholastica’s College, Holy Ghost College, FEU, at UST College of Medicine.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: