Kauna-unahang Pilipinang nanilbihan sa Korte Suprema
Ngayong araw, Nobyembre 22, ang ika-108 taong kaarawan ng kauna-unahang Pilipinang nanilbihan sa ating Korte Suprema at naging chairperson ng 1986 Constitutional Commission na si Cecilia Muñoz-Palma. Ipinanganak siya noong 1913 sa Bauan, Batangas at anak ng isang Kongresista sa nasabing lalawigan.
Natapos ni Muñoz ang kanyang law degree sa University of the Philippines College of Law, at kanyang Master’s degree sa Yale Law School. Siya ang nakakuha ng pinakamataas na rating sa 1937 Bar Exams, na may rating na 92.60%. Siya ang unang babaeng itinalagang prosecutor sa lungsod ng Quezon noong 1947, at naging unang babaeng district judge sa Negros Oriental. Nadestino rin siya sa mga Korte sa Laguna at Rizal, at nagkaroon rin ng pwesto sa Court of Appeals noong 1968, ang Ikalawang babaeng naitalaga sa nasabing ahensya.
Ika-29 ng Oktubre, 1973 nang itinalaga siya ni Pangulong Ferdinand Marcos bilang ika-89 na Associate Justice sa Korte Suprema, ang unang babaeng tumanggap ng nasabing posisyon sa Korte Suprema. Pero nagretiro siya noong 1978 dahil sa kanyang pagkadismaya sa rehimeng Marcos, lalo na sa panahon ng Batas Militar, na sinabi niyang ang referendum sa ilalim ng Batas Militar ay pinatatakbo na lang ng pananakot ng rehimen. Bumoto rin si Muñoz-Palma laban sa pag-aamyenda ni Pangulong Marcos sa Konstitusyon ng 1973, at kalauna’y nagretiro rin sa serbisyo sa Korte Suprema.
Taong 1984 nang nahalal si Muñoz-Palma sa Batasang Pambansa sa ilalim ng partidong UNIDO ni Salvador “Doy” Laurel, bilang Kongresista ng lungsod ng Quezon. Pinamunuan niya ang National Unification Council na layuning pagbuklurin ang lahat ng mga miyembro ng oposisyon sa rehimeng Marcos, at sinuportahan ang panawagan ng pagtakbo ni Corazon Aquino sa Snap Elections laban kay Pangulong Marcos.
No Comment to " Kauna-unahang Pilipinang nanilbihan sa Korte Suprema "