Isang batikang mandudula, aktor, at direktor sa teatro si Wilfrido Ma. O. Guerrero (Wil·frí·do Mar·yá O Ge·ré·ro).


Nagsilbi siyang katuwang na propesor sa drama sa Unibersidad ng Pilipinas (1947) dahil sa natatanging husay niya sa larangan kahit na hindi nakapagtapos ng kolehiyo. Ang Teatrong Wilfrido Ma. Guerrero ng UP Diliman ay ipinangalan sa kaniya habang siya ay nabubuhay pa. Postumong iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Sining para sa Teatro noong 1997.


Ang UP Mobile Theater na binuo at idinirihe niya mula noong 1962 ay nakapagtala ng mahigit 2000 pagtatanghal sa iba’t ibang dako ng Filipinas. Nailantad ang bansa sa de-kalibreng dulaan at nagpasulpot ng mga artista, direktor, at mga alagad ng entablado at puting-tabing na tatangan ng papel bilang mahalagang bahagi ng ubod ng teatro at pelikulang Filipino.


Nagsimula siyang magsulat ng dula sa wikang Ingles noong 1934 habang estudyante ng Unibersidad ng Pilipinas. Ang “Half an Hour in a Convent” ang kaniyang unang dulang Ingles.


Mahigit sa 100 dula ang naisulat ni Guerrero, kabilang ang:

  • “Women are Extraordinary” (1937), 
  • “Hate Begins” (1938), 
  • “Romance in B. Minor” (1939), 
  • “Movie Artists” (1940), 
  • “Forever” (1941), 
  • “Condemned” (1944), 
  • “Frustrations” (1944), 
  • “Wow These Americans” (1946), 
  • “Perhaps” (1947), 
  • “Three Rats” (1948), 
  • “Deep in My Heart” (1951), 
  • “In Unity” (1953), at 
  • “Our Strange Ways” (1953). 


Ginawaran siya ng Gawad Rizal Pro-Patria (1961), Gawad Araw ng Maynila (1969), at ng Republic Cultural Heritage Award (1972).


Nagmula sa angkang Guererro na prominente sa kultura sa Filipinas, ipinanganak siya noong 22 Enero 1911 kina Dr. Manuel S. Guerrero at Eliza Ocampo.


Ang kaniyang ama ay doktor ng mayayamang pamilya sa Maynila at isa sa mahuhusay na manunulat ng sanaysay. Tiyuhin niya ang makatang si Fernando Ma. Guerrero na itinuturing na prinsipe ng lirikong tula sa Espanyol. Pinsan niya sina Leon Ma. Guererro III, ang magkapatid na makatang sina Nilda Guerrero-Barranco at Evangelina Guerrero Zacarias, at manunulat na si Carmen Guerrero-Nakpil. Namatay siyang retirado sa isang bahay sa UP Diliman noong 28 Abril 1995.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: