Sino si Severino Montano?


Si Severino Montano ay isang mandudula, makata, direktor, aktor, at organisador ng teatro.


Siya ang nagtatag at nag-organisa ng Teatrong Arena noong 1953 sa Philippine Normal College (PNC), at pinangunahan ang Kilusang Balik sa Barrio, habang siyá ay Dekano para sa Instruksiyon ng PNC noong dekada 70. Iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Sining para sa Teatro noong 2001.


Ang Teatrong Arena bilang pagtatanghal na lumiligid sa kanayunan ay nakaabot sa mga baryo ng may 47 probinsiya sa Filipinas. Ipinalabas ng Arena ang mga akda ni Montano na “Sabina,” “The Ladies and The Senator,” at “Parting at Calamba.”


Nagsanay din ito sa pamamagitan ng programa ni Montano para sa mandudula, direktor, aktor, teknisyan, at tagadisenyo.


Ilan sa mga akda ni Montano ay ang

  • The Love of Leonor Rivera (trahedya na may dalawang yugto), 
  • My Morning Star (historikal na trahedyang tatlong yugto), 
  • But Not My Sons Any Longer (trahedyang dalawang yugto), 
  • Gabriela Silang (historikal na trahedyang may tatlong yugto), 
  • The Merry Wives of Manila (komedya sa tatlong bahagi), 
  • Rock of My Refuge (drama sa tatlong yugto), 
  • My Brother Cain (trahedya sa tatlong yugto), 
  • “The Incorrigible Mother” (komedya sa isang yugto), at iba pa.


Ipinanganak siyá noong 3 Enero 1915 kina Dionisio Montano at Maria Medina sa Laoag, Ilocos Norte.


Sa kolehiyo, naging pangulo siyá ng UP Dramatic Club noong 1931, at nagtapos ng Batsilyer ng Siyensiya sa Edukasyon, medyor sa Ingles noong 1932. Nagtungo siyá sa Estados Unidos noong 1940 para sa iskolarsyip sa Unibersidad ng Yale para sa masterado sa Fine Arts medyor sa pagsulat ng dula.


Sinulat niya ang kaniyang dulang “Sabina,” sa palihan ng mga mandudula ng Yale University. Naging propesor si Montano sa American University sa Washington D.C. na pinagtapusan din niya ng M.A. Economics (1948) at doktorado sa pamamahala at pampublikong administrasyon (1949).


Ginawaran si Montano ng Gawad Patnubay ng Kalinangan mula sa Lungsod Maynila (1968), Presidential Award for Merit in Drama and Theater (1961), the Citizen’s Committee for Mass Media Award (1967 at 1968), at ng Gawad Pamulinawen (1981).


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: