Simeon Arboleda Ola
Si Simeon Arboleda Ola (Sim·yón Arboléda Ó·la) ay magiting na lider ng mga rebolusyonaryo sa Bikol noong panahon ng Espanyol at Amerikano, at isa sa mga huling sumuko.
Isinilang siya noong 2 Setyembre 1865 sa Guinobatan, Albay kina Vicente Ola at Apolonia Arboleda. Pumasok siya sa seminaryo upang mag-aral ng pilosopiya, ngunit nang sumiklab ang rebolusyon noong 1896, tumigil siyá ng pag-aaral at lumahok sa Katipunan. Naging pinuno siyá ng mga rebelde sa kaniyang bayan.
Dahil sa kaniyang matagumpay na pananambang sa mga kaaway, hinirang siyang kapitan ni Heneral Vito Belarmino, ang pangkalahatang pinuna sa Bicol. Nang dumating ang mga Amerikano, ipinagpatuloy niya ang pakikipaglaban sa kabila ng pagsuko ni Heneral Belarmino noong 1901. Namundok siya, tinipon ang natitirang mga kawal na Filipino na hindi sumuko, at naging pinakamataas na pinuno sa Bicol.
Nagkasakit siya sa bundok at nahimok ng mga kamag-anak at kaibigang sumuko noong 25 Setyembre 1903 kay Koronel Harry H. Bandholtz. Dalawang buwan pagkaraan, nilitis siya at hinatulang mabilanggo nang 30 taon. Nakalaya lamang siya nang bigyan ng amnestiya ni Gobernador Heneral William Howard Taft ang lahat ng bilanggong politikal.
Naging presidente (alkalde ngayon) siya ng Guinobatan mula 1910 hanggang 1917 at nagsagawa ng maraming pagbabago sa kaniyang bayang sinilangan.
Namatay siya noong 14 Pebrero 1952 at inilibing sa Guinobatan.
Isang monumento ang inialay kay Simeon Ola sa Lungsod Legazpi, at ipinangalan din sa kaniya ang tanggapang rehiyonal ng kapulisan.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
No Comment to " Simeon Arboleda Ola "