Paulo Campos: Ama ng Medisinang Nuklear sa Pilipinas

Pambansang Alagad ng Agham, si Paulo Campos (Pá·u·ló Kám·pos) ang kinikilalang “Ama ng Medisinang Nuklear sa Pilipinas.


”Malaki ang kaniyang naging kontribusyon sa pagsisimula at pagpapalakas ng komprehensibong programang pangkalusugan para sa mga komunidad. Dahil sa mga natatangi at makabuluhang ambag niya sa larangan ng siyensiyang pangkalusugan, iginawad sa kaniya Pambansang Alagad ng Agham noong 1989.


Si Campos ang namuno sa pagtatatag ng kauna-unahang Radioisotope Laboratory sa Pilipinas. Siya rin ang pundador ng unang Medical Research Laboratory sa bansa.


Bukod sa mga pasilidad na ito, itinayo rin niya ang unang Thyroid Clinic sa Philippine General Hospital. Subalit napansin ni Campos ang sobrang pagbibigay pansin ng pamahalaan sa paghahanap ng lunas sa sakit samantalang nagkukulang ng atensiyon ang pagpapahalaga sa pag-iwas sa sakit at pagpapataas ng kalidad ng kalusugan ng mamamayan.


Pinasimulan niya, katulong ng Unibersidad ng Pilipinas at ng Departamento sa Kalusugan, ang pagtatayo ng unang Comprehensive Community Health Program (CCHP) sa Bai, Laguna. Ang programa ay tumugon sa mga batayang pangangailangang pangkalusugan ng mamamayan ng Bai at karatig munisipyo.


Si Campos ay isa sa mga pundador ng National Academy of Science in the Philippines (NAST) at nagsilbing tagapangulo nito mula 1978 hanggang 1989.


Si Campos ay isa ring masipag na mananaliksik. Ang kaniyang mga pagaaral hinggil sa paghahanap ng lunas sa bosyo (goiter) ay nakatulong nang malaki hindi lamang sa Filipinas kundi sa buong daigdig.


Kasama ang iba pang mananaliksik, sinimulan ni Campos ang pagtuturok ng iodized oil sa mga pasyenteng may bosyo. Ang bagong prosesong ito ay pinagtibay ng World Health Organization bilang batayang paraan upang labanan ang sakít na bosyo.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: