Mercedes Concepcion
Pambansang alagad ng Agham, si Mercedes Concepcion (Mer·sé·des Kon·sep·syón) ang tinaguriang “Ina ng Demograpiya sa Asia.”
Kinilala siya ng Philippine American Foundation bilang kauna-unahang demograpo sa Filipinas. Ang kaniyang mga gawa, publikasyon, at pananaliksik ay nakatulong sa pagpapaunlad ng mga patakaran at paraan sa pagpaplano ng pamilya sa Asia at ibang panig ng daigdig.
Malaki ang naging kontribusyon niya sa pagsisikap na gawing mas moderno at masinop ang pag-aaral ng demograpiya sa Filipinas. Iginawad sa kaniya Pambansang Alagad ng Agham noong 14 Enero 2010.
Siya ang unang Filipino na naging kagawad ng United Nations Statistical Training Center noong 1955 at unang direktor ng Population Institute sa Unibersidad ng Pilipinas na itinatatag noong 1965. Siya rin ang tanging naging kinatawan ng bansa sa UN Population Commission at unang babae sa buong Asia na naging tagapangulo ng International Union for the Scientific Study of Population.
Malaki ang naitulong ni Concepcion sa pagbabalangkas ng Population Act of 1971. Ang batas na ito ang nagtakda ng pambansang patakaran sa populasyon at nagbigay direksiyon sa pagpapatupad ng mga programa para sa pagpaplano ng pamilya.
Pinangunahan din niya ang pagrepaso sa sistemang pang-estadistika ng Filipinas at nagbigay daan upang itatag ang National Statistical Coordination Board, National Statistics Office, Bureau of Agricultural Statistics, Bureau of Labor and Employment Statistics, at Statistical Research and Training Center.
Si Concepcion ay isinilang noong 10 Hunyo 1928.
Nagtapos siya ng Batsilyer sa Agham sa Kemistri sa UP noong 1951. Nakatanggap siya ng Colombo Plan Fellowship noong 1953 upang makapag-aral sa University of Sydney ng Biyoestadistika. Natapos niya ang doktorado sa Demograpiya sa University of Chicago noong 1963.
Nagturo si Concepcion ng estadistika at demograpiya sa UP habang gumaganap ng tungkuling pang-administrasyon sa Population Institute at iba’t ibang ahensiya ng UN.
Naglilingkod siya ngayon bilang kasapi ng lupon ng Komisyon sa Populasyon at tagapangulo ng Committee on Population and Housing Statistics ng NSCB.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Mercedes Concepcion "