Lourdes J. Cruz
Pambansang Alagad ng Agham, si Lourdes J. Cruz (Lúr·des Jey Kruz) ang natatanging dalubhasa ng Pilipinas sa pag-aaral ng nakalalasong peptides mula sa mga susong dagat.
Ang kaniyang pananaliksik ay nagbunga sa pagkakatuklas ng 50 bagong uri ng peptides ng susong Conus geographus na matatagpuan sa karagatan ng Filipinas.
Pinangunahan niya ang pagpapaunlad ng conotoxins na ginagamit ngayon bilang biyokemikal na instrumento sa pagsusuri ng utak. Malaki din ang naging kontribusyon ni Cruz sa pag-aaral ng epekto ng nakapaparalisang lason mula sa tahong at ang paggamit ng mga organismo sa dagat upang labanan ang tuberkulosis.
Iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Agham noong Nobyembre 2006.
Nagsimulang pag-aralan ni Cruz ang kamandag ng susong Conus geographus noong kalagitnaan ng dekada 1970. Natuklasan ni Cruz na ang kamandag ng suso ay nagtataglay ng maraming uri ng peptides na nagdudulot ng sari-saring epekto sa kilos ng utak.
Napapakinabangan ngayon ang mga natuklasan ni Cruz sa medisina lalo na sa larangan ng neuromedicine. Hindi siya nakontento sa apat na sulok ng laboratoryo.
Noong 2001, itinatag niya ang Rural Livelihood Incubator (Rural LINC) sa Morong, Bataan. Nilalayon ng kaniyang organisasyon na masawata ang laganap na kahirapan sa kanayunan sa pamamagitan ng pagbibigay ng edukasyon, kabuhayan, at pangangalaga ng kalikasan.
Nagbigay siya ng pagsasanay sa mga komunidad ng katutubong Ita upang maiangat ang kalidad ng kanilang pamumuhay. Maningning na halimbawa si Cruz ng isang siyentistang may malaking malasakit sa kapuwa.
Isinilang si Cruz noong 19 Mayo 1942 sa Tanza, Cavite.
Nagtapos siya ng Batsilyer sa Agham ng Kemistri noong 1962 sa Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman. Nagtungo siya Estados Unidos upang magpatuloy ng pag-aaral at natapos niya ang master sa agham (1966) at doktorado sa biyokimika (1968) sa University of Iowa.
Nagsilbing mananaliksik si Cruz sa International Rice Research Institute at propesor sa biyokimika. Pinamunuan niya ang Departamento ng Biyokimika at Biolohiyang Molekular ng UP. Siyá ay hinirang na Outstanding Young Scientist noong 1981 at Outstanding ASEAN Scientist and Technologist noong 2001.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Lourdes J. Cruz "