Sino si Gelia T. Castillo?


Pambansang Alagad ng Agham, si Gelia T. Castillo (Gél·ya Ti Kas·tíl·yo) ay isang tanyag na sosyologo ng kanayunan. Ang kaniyang mga pananaliksik ay nakaimpluwensiya nang malaki sa pagpapatupad ng mga programang pangkaunlaran sa kanayunan dito sa Filipinas at sa ibang panig ng daigdig.


Bilang pagkilala sa mga natatangi niyang kontribusyon sa larangan ng sosyolohiya lalo na sa pagsisikap na maitaas ang kalidad ng teorya at praktika ng kaunlarang pampamayanan, iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Agham (National Scientist) noong 1999.


Naniniwala si Castillo na ang agham ay dapat magsilbi sa sangkatauhan lalo na sa mas nakararaming mahihirap. Sa librong All in a Grain of Rice, sinuri ni Castillo ang sosyolohikong epekto ng bagong teknolohiyang pansakahan sa pag-unlad ng pamayanan at kung paano nakatutugon ang Filipinong magsasaka sa mga pagbabago.


Kinilala naman ng mga dalubhasa ang Beyond Manila: Philippine Rural Problems in Perspective bilang isa sa pinakamahalagang literatura na tumatalakay sa dinamismo ng pag-unlad sa kanayunan.


Isinasabuhay ni Castillo ang kaniyang isinusulat sa pamamagitan ng pagtuturo at pangangasiwa ng iba’t ibang ahensiya at institusyong nagpapatupad ng kagalingang panlipunan. Mahigit apatnapung taon siyang nagturo ng sosyolohiya sa Unibersidad ng Pilipinas.


Gumanap siya ng mahahalagang tungkulin sa Kagawaran ng Agrikultura, National Economic Development Authority, Philippine Rice Research Institute, Development Academy of the Philippines, Philippine Institute for Development Studies, at naglingkod ding tagapangulo o tagapayo sa mga internasyonal na ahensiyang pangkaunlarang kagaya ng International Potato Center, World Health Organization, International Development Research Center, at International Fund for Agricultural Development.


Isinilang si Castillo noong 3 Marso 1928 sa Pagsanjan, Laguna at anak nina Antonio Castillo at Constancia Tagumpay.


Nagtapos siya ng Batsilyer sa Sikolohiya sa UP noong 1948.


Nagtungo siya sa Estados Unidos upang magpakadalubhasa sa Sosyolohiyang Pangkanayunan. Nakapagtapos siya ng master sa Siyensiya sa Pennsylvania State University noong 1958 at doktorado sa Sosyolohiya sa Cornell University noong 1960.


Ipinagkaloob sa kaniya ang Rizal Pro-patria Award noong 1976, Distinguished Alumnus Award ng UP noong 1975, at isa sa Ten Outstanding Filipinos noong taóng 2004.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: