Sino si Marcela Agoncillo?


Si Marcela Mariño de Agoncillo, o mas kilalá bilang Marcela Agoncillo (Mar·sé·la A·gon·síl·yo) ang pangunahing tagahabi ng una at opisyal na watawat ng Pilipinas. Dahil dito, binansagan siyá bilang “Ina ng Watawat ng Filipinas.”


Sa gulang na 30, ikinasal siya kay Felipe Agoncillo, ang abogadong kakatawan sa Filipinas sa Kasunduang Paris noong 1898 na tatapos sa Digmaang Espanyol-Amerikano. Nang nadestiyero si Felipe sa Hong Kong pagsiklab ng Himagsikang Filipino, sumáma sa kaniya si Marcela at kanilang mga anak. Habang naroon, pinakiusapan ni Heneral Emilio Aguinaldo si Marcela na humabi ng watawat na sasagisag sa bansang Filipinas at ayon sa disenyo ni Aguinaldo.


Gamit ang sedang binili niya sa Hong Kong, hinabi ni Marcela, kaniyang anak na si Lorenzana, at kaibigang si Delfina Herbosa de Natividad (na pamangkin ni Jose Rizal sa kapatid niyang si Lucia) ang watawat sa loob ng limang araw.


Noong Mayo 1898, inihatid ni Agoncillo ang watawat kay Aguinaldo, na siyá namang nagdalá nitó pabalik ng Maynila. Ito ang bandilang iwinagayway mula sa kaniyang bahay sa Kawit, Cavite sa pagpapahayag ng kasarinlan ng Filipinas noong 12 Hunyo 1898 sa saliw ng Pambansang Awit. Hindi nga lamang ito nasaksihan ni Agoncillo, na nanatili sa Hong Kong kasama ang kabiyak.


Isinilang siya noong 24 Hunyo 1860 sa Taal, Batangas kina Francisco Mariño at Eugenia Coronel. Nag-aral siyá sa Colegio de Sta. Catalina, isang ekslusibong paaralan para sa mga babae, sa Intramuros, Maynila. Nagkaroon siyá ng anim na anak, pawang mga babae, kay Felipe Agoncillo.


Pumanaw siyá noong 30 Mayo 1946 at inilagak kasáma ang mga labi ng kaniyang asawa sa Sementeryong La Loma sa Maynila. Sangayon sa kaniyang hulíng hiling, ginawang museo ang kanilang bahay sa Taal, na ngayon ay nakapangalan sa kaniya. Tampok din ang larawan ni Agoncillo sa sining biswal; dalawang mahusay na halimbawa nitó ay ang pinturang “The Making of the Philippine Flag” ni Pambansang Alagad ng Sining Fernando Amorsolo, at ang eskulturang “Three Women Weaving the Filipino Flag” sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman ni Pambansang Alagad ng Sining Napoleon V. Abueva.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr

Mungkahing Basahin: