Ang pagpanaw ni Doña Marcela Mariño de Agoncillo
Ngayon, Mayo 30, 2020, ay ang ika-74 na anibersaryo ng pagpanaw ni Doña Marcela Mariño de Agoncillo, pangunahing nagtahi ng unang Pambansang Watawat ng Pilipinas. Kasama ng kanyang anak na si Lorenza at ni Delfina Herbosa de Natividad, natapos nila ang watawat sa loob ng limang araw.
Bilang pagkilala sa kanyang ambag sa kasaysayang Pilipino, permanenteng nakataas ang watawat ng Pilipinas sa kanyang tahanan sa Taal, Batangas na ngayo’y Museo nina Marcela Mariño at Felipe Agoncillo. Bilang parangal sa kanya, at maging sa mga frontliners sa laban kontra COVID-19, magsabit din tayo ng Pambansang Watawat sa ating mga tahanan, opisina, at iba pang gusali hanggang 12 Hunyo.
Maliban sa pagtahi ng Unang Pambansang Watawat, nakilala rin si Doña Marcela sa kanyang pagkalinga sa mga Pilipinong nananatili sa Hong Kong sa panahong nanatili siya roon kasama ang mga anak (1896-1907). Kasama sa kanyang mga pinatuloy sina Heneral Emilio Aguinaldo at Heneral Antonio Luna. Lahat ng ito ay ginawa niya kahit naghihikahod din at nawalay sa asawang si Felipe dahil sa kanyang paglilingkod bilang diplomatiko.
Nang makabalik sa Pilipinas, nakilala din si Doña Marcela sa pagiging pagkakawanggawa. Lalo itong tumingkad sa panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig sa pagtulong ng kanyang pamilya sa mga bilanggo sa Santo Tomas Internment Camp. Nawasak ang kanilang tahanan sa Maynila matapos ang Labanan para sa Pagpapalaya ng Maynila noong 1945.
Sa kasamaang palad ay hindi na naabutan ang pagkilala sa kasarinlan ng bansa noong sumunod na taon. Sa kanyang tahanang sinilangan siya binawian din ng buhay.
Pinagmulan: fb/museoninamarcelaagoncillo/
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Ang pagpanaw ni Doña Marcela Mariño de Agoncillo "