Saan matatagpuan ang Manila Hotel?


Ang Manila Hotel ay isang makasaysayang gusali sa tabi ng Look Maynila sa Roxas Boulevard, Lungsod ng Maynila.


Itinayo mula 1909 hanggang 1912, ito ang pinakamatandang premyadong hotel sa Pilipinas. Isa itong five-star hotel na mayroong higit sa limang daang silid at total floor area na 35,000 metro kuwadrado.


Sinimulan ang paggawa sa hotel noong 1900 nang inatasan ni William Howard Taft, Gobernador-Heneral ng Filipinas at pangulo ng Estados Unidos sa hinaharap, ang arkitekto at urban planner na si Daniel Burnham upang lumikha ng bagong plano para sa Lungsod Maynila.


Kabilang sa plano ni Burnham ang isang hotel sa dulo ng bagong bulebard sa tabi ng baybayin. Kaugnay nitó, inatasan ni Taft ang arkitektong si William Parsons upang magdisenyo ng isang hotel na magtataglay ng magagandang tanawin ng Look Maynila, Luneta, at Intramuros.


Pagkatapos ng ilang taon ng pagpaplano at paggawa, pinasinayaan ang hotel noong 1912. Maraming tanyag na personalidad mula sa Amerika at iba pang bansa ang bumisita at tumira sa hotel sa mga sumunod na dekada.


Mula 1935 hanggang 1941, nagsilbing opisyal na tirahan ni Heneral Douglas MacArthur ang pinakaitaas na palapag ng hotel. Sa katunayan, binigyan pa siyá ng titulong pandangal bilang “General Manager.”


Noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ang hotel ay naging pansamantalang command post ni Heneral MacArthur, nakubkob ng mga Hapon, at nakaligtas sa pambobomba ng Maynila.


Pagkaraan ng giyera, mula 1946 hanggang dekada 60, tumira sa hotel ang ilang tanyag na politiko, negosyante, at artista. Ilan sa kanila ay sina Marlon Brando, Dwight Eisenhower, Charlton Heston, Bob Hope, Lyndon B. Johnson, Robert Kennedy, Richard Nixon, ang magkapatid na Rockefeller, John Wayne, at ang bándang The Beatles.


Noong 1976, sumailalim ang hotel sa malawakang renobasyon at pagdadagdag ng kuwarto. Noong 1986, ilang buwan pagkatapos ang People Power Revolution, isang pangkat ng mga pinunòng sundalo ang naglunsad ng kudeta at kumubkob sa Manila Hotel. Mula dito’y ipinahayag nilá ang kanilang pagluluklok kay Arturo Tolentino, na tumakbong bise-presidente ni Ferdinand E. Marcos sa nakaraang snap election, bilang Pangulo ng bansa. Sumuko ang mga sundalo pagkatapos ng dalawang araw.


Noong 1995, hinarang ng Korte Suprema ang pagbili ng isang kompanyang Malaysian sa hotel. Isinaad nitóng ang hotel ay bahagi ng patrimonya ng bansa. Bilang pagtangkilik na rin sa prinsipyong “Filipino First,” ibinigay ng korte ang pagmamay-ari ng hotel sa isang kompanyang Filipino.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: