Ama Namin
Mayroon itong dalawang bersiyon sa Bagong Tipan:
- bilang bahagi ng Sermon sa Bundok sa Ebanghelyo ni Mateo; at
- bilang kahilingan kay Hesus ng isa sa kaniyang mga disipulo na maturuan sila ng pagdarasal sa Ebanghelyo ni Lukas.
Bahagi ito ng halos lahat ng seremonyang Katoliko at ng pagrorosaryo. Nalimbag ang unang salin nito sa Doctrina Christiana (1593) sa sumusunod na paraan:
Ama namin, na sa langit ca ypasamba mo ang ngalan
mo, moui sa amin ang pagcahari mo. Ypa sunod mo ang
loob mo dito sa lupa parang sa langit, bigyan mo cami
ngaion nang aming cacanin, para nang sa araoarao, at
pacaualin mo ang aming casalanan, ya iang uinaualan
bahala namin sa loob ang casalanan nang nagcacasala
sa amin. Houag mo caming aeuan nang di cami matalo
nang tocso. Datapouat yadia mo cami sa dilan masama.
Amen, Jesus.
Sa kaniyang Dasalan at Tocsohan (1888), isang koleksiyon ng mga dasal sa paraang parodya at naglalaman ng mga tuligsa sa ipokrisya at kasakiman ng mga fraile, isa ang Ama Namin sa mga ipinatudyo ni Marcelo H. Del Pilar. Pinamagatan niya itong “Amain Namin”:
Amain naming sumasakumbento ka, sumpain ang
ngalan mo, malayo sa amin ang kasakiman mo, kitlin
ang leeg mo dito sa lupa para ng sa langit. Saulan mo
kami ngayon ng aming kaning iyong inaaraw-araw at
patawanin mo kami gaya ng pagtawa mo kung kami’y
nakukuwaltahan mo; at huwag mo kaming ipahintulot
sa iyong mapanukso at iadya mo kami sa masama mong
dila. Amen.
Ipinaimprenta diumano ang Dasalan at Tocsohan ni M.H. del Pilar, lihim na ipinamudmod sa simbahan kapag may misa, at itinuturing na isang marikit na halimbawa ng panitikan ng Kilusang Propaganda.
Pinagmulan: NCCA Official
No Comment to " Ama Namin "