Felipe Padilla de Leon: Pambansang Alagad ng Sining
Sa layuning maunawaan, tangkilikin, at umunlad ang pagpapahalaga sa musika ng mga Filipino, isina-Filipino ni De Leon ang mga musikang Kanluranin.
Gayunman, ang tunay na musikang Filipino, ayon mismo sa Maestro ay malilikha lamang kung ang kompositor ay mahigpit na umuugat sa sariling kultura at nagtataguyod ng aspirasyon ng kaniyang lahi.
Hango sa esensiya ng katutubong balitaw, danza, kumintang, awit, tagulalay, dalit, at kundiman ang maraming komposisyong De Leon. Nasaklaw ng nilikha niyang obra ang tradisyonal at katutubo hanggang sa moderno at eksperimentasyon.
Ang makabayang kompositor ay lumikha ng “Ako’y Pilipino,” “Ang Lahi ko’y Dakila,” “Mabuhay ang Pilipino,” “Lupang Tinubuan,” “Pilipinas ang Bayan Ko,” at “O Pilipinas.” Ang kaniyang bersiyon ng Noli Me Tangere (1957) ay ang unang operang kundiman na ganap ang habà. Mga natatanging niyang komposisyon sa musikang pang-orkestra ang “Maria Makiling Overture” (1939), “Roca Encantada” (1950), at “Manila Overture” (1976).
Itinatag ni De Leon ang Himig ng Lahi noong 1948 upang mas mailapit sa Filipino ang musika. Naglingkod siyang pangulo ng Filipino Society of Composers, Authors and Publishers (FILSCAP) mula 1965 hanggang 1985.
Marami siyang karangalang tinanggap, kabilang ang Presidential Medal of Merit (1961); Rizal Pro Patria Award (1961); Republic Cultural Heritage Award (1971); Patnubay ng Sining at Kalinangan (Lungsod Maynila 1971); First Cultural Achievement Award (CCP at Philippine Government Cultural Association 1975); at Doctor of Philosophy in the Humanities (UP 1991).
Isinilang siya noong 1 Mayo 1912 sa Peñaranda, Nueva Ecija kina Juan De Leon at Natalia Padilla.
Nagtapos siya sa UP Conservatory of Music noong 1939. Kumuha siya ng karagdagang pag-aaral sa komposisyon sa ilalim naman ni Vittorio Giannini ng Juilliard School of Music sa New York. Nagsilbing guro rin si De Leon sa maraming unibersidad sa bansa.
Pumanaw ang Maestro noong 5 Disyembre 1992.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Felipe Padilla de Leon: Pambansang Alagad ng Sining "