Sino si Jovita Fuentes?
Pinakamaringal siyang mang-aawit sa opera na kinilala sa Pilipinas at sa ibang bansa. Ang kaniyang natatanging pagganap sa mga pinakabantog na mga tanghalan sa daigdig ay nagdala ng karangalan sa Pilipinas at mataas na respeto sa talento ng mga Filipino. Iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Sining sa Musika noong 1976.
Bagaman kumukuha pa lamang ng karagdagang pagsasanay sa Italya ay maagang sinakop ng sining ni Fuentes ang mga bantog na tanghalan sa Europa, Amerika, at Asia.
Kinilála siya sa kaniyang di malilimutang pagganap sa mga pangunahing karakter sa ilalim ng pinakamagagaling na direktor: Bilang si Cio Cio San sa Madame Butterfly ni Giacomo Puccini; Liu Yu sa Turandot at Mimi sa La Boheme ni Puccini; Iris sa Iris ni Pietro Mascagni; at bilang Salome sa Salome ni Richard Strauss.
Sa kaniyang pagbabalik sa Pilipinas ay ginugol niya ang panahon upang ibahagi naman ang kaniyang sining sa pagsusulong ng opera at musika sa Filipinas.
Itinatag niya ang Music Promotion Foundation of the Philippines at ang Opera Foundation of the Philippines at Artists Guild of the Philippines.
Naging guro siya sa musika sa College of the Holy Spirit, Sta. Isabel College, University of the Philippines, at Centro Escolar University.
Ang kaniyang pag-awit ay ginagamit rin niya upang makalikom ng pinansiya para sa mga mapagkawanggawang institusyon at sosyo-sibikong gawain, gaya ng San Lazaro Hospital para sa mga may ketong, at para sa pagpapagawa ng UP Catholic Chapel.
Bukod sa mga palakpak at standing ovation, si Fuentes ay nagkamit ng “Embahadora de Filipinas a su Madre Patria” mula sa Espanya; Presidential Medal of Merit (1958); Diwa ng Lahi mula sa Lungsod Maynila (1975); Phi Kappa Phi Honor ng Unibersidad ng Pilipinas.
Ipinanganak siya noong 15 Pebrero 1895 sa bayan ng Capiz (ngayon ay Lungsod Roxas) kina Canuto at Dolores Fuentes. Ikatlo sa 13 anak, siya ay Manang Inday sa mga kapatid, Vitang sa kababata, at Tata sa mga kaanak.
Bata pa lamang ay umaawit, sumasayaw, tumutugtog ng piyano, at gumaganap na sa mga dula at sarsuwela si Fuentes. Pumunta siya sa Milan, Italya upang kumuha ng karagdagang pagsasanay sa pag-awit. Wala pang siyam na buwan ay natuklasan siyá ng naghahanap ng soprano para sa Madame Butterfly.
Pagkatapos ng halos kalahating siglo ng ambag sa musikang Filipino, binawian siya ng buhay noong 7 Agosto 1978. Ang aklat na Jovita Fuentes: A Lifetime of Music ay inilathala sa taon ding iyon.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Sino si Jovita Fuentes? "