Isang arkitekto si Pablo S. Antonio (Páb·lo Es An·tón·yo) at itinuturing na tagapaghawan ng landas para sa modernong arkitektura na umaangkop sa kaligiran, kaugalian, at pangangailangan ng mga Filipino.


Iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Sining sa Arkitektura noong 1976.


Sa kaniyang mahigit 43 taon sa larangan ng arkitektura, ang kaniyang mataas na kalidad ng paggawa at walang kapares na pagpapahalaga sa propesyon ay katangi-tangi at nagsilbing inspirasyon sa mga sumusunod sa kaniyang yapak.


Pinili niya na gumawa nang may pagpapahalaga sa kalikasan. Kilala ang likhang Antonio sa paggamit ng natural na liwanag at bentilasyon at kung gayon ay walang pag-aaksaya sa enerhiya, malilinis at makikinis na mga linya, mga kurbang nakapaloob sa mga estruktura, at malalaking bukas na espasyo at mayayabong na hardin.


Naniniwala siya na ang mga Filipino ay mga bukas na tao, hindi nakagawian ang harang o hanggahan. Kaya naman ang mga bahay na likha ni Antonio ay may malawak na sala na nakaugnay sa iba pang parte ng bahay nang walang harang o dibisyon.


Binago ni Antonio ang mukha ng Kamaynilaan. Si Antonio ang namahala sa konstruksiyon ng Executive Building sa Taft Avenue kanto ng P. Burgos St. (ngayon ay National Museum).


Siya ang arkitekto ng maraming gusali ng mga paaralan-Nicanor Reyes Hall, Administration Building, Home Economics Building, at Girls High School ng Far Eastern University; Auditorium at Executive Offices ng University of the East; at Afable College of Medicine.


Itinayo rin niya ang mga opisina, ospital, at iba pang gusaling pampubliko tulad ng PNB head office at mga branch offices, Singer Sewing Machine Office, mga estasyon at terminal ng Manila Railroad Company, Cartimar Shopping Center, Bel-Air Apartment na matatagpuan sa Roxas Blvd., Taliba-Vanguardia-Times Annex Bldg, Ramon Roces Publications Building (ngayon ay Guzman Institute of Technology), Manila City Hospital (ngayon ay National Children’s Hospital), at De La Salle Chapel.


Ipinanganak siya noong 25 Enero 1901 sa Balanga, Bataan.


Nakaisangdibdib siya ni Marina Reyes, isang bantog na pangalan sa haute couture noon at biniyayaan ng anim na anak. Tatlo rito ay naging mga arkitekto rin, sina Pablo Jr., Luis, at Ramon.


Naging draftsman siya sa Bureau of Public Works upang matustusan ang sariling pag-aaral sa paaralang sekundarya at sa Mapua Institute of Technology hanggang makatapos ng kursong Arkitektura.


Kumuha siya ng karagdagang pag-aaral sa University of London sa England sa tulong ni Don Ramon A. Arevalo. Sa kompanya ni Don Ramon na Sta. Clara Lumber Company maglilingkod si Antonio bilang ganap na arkitekto hanggang sa maitayo nito ang sariling kompanya.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: