Antonio J. Molina: Dekano ng mga Filipinong Kompositor

Si Antonio J. Molina (An·tón·yo Mo·lí·na) ay isang kompositor, konduktor, violoncellist, guro, at istoryador ng musika. Kinilala siya bilang “Dekano ng mga Filipinong Kompositor.” Kasama nina Nicanor Abelardo at Francisco Santiago, si Molina ay bahagi ng triumvirate ng mga kompositor na nagtaguyod at naglinang ng musikang Filipino. Kaunaunahan siyáng Pambansang Alagad ng Sining sa Musika na ginawaran noong 1973.


Bilang kompositor, mahigit 300 ang nilikha ni Molina para sa orkestra, koro, chamber music, solo, instrumental, at sariling bersiyon ng klasikong sonata. Ang malaking bahagi nito ay gumamit ng katutubong musika.


Nailathala ang unang komposisyon niya noong 1913 na pinamagatang “Lamentos de mi Patria.” Ang pinakabantog na komposisyon niya ay ang “Hating Gabi,” isang harana sa saliw ng biyolin at piyano.


Habang nása UP, nilikha niya ang “Era La Penumbra,” “Kung sa Iyong Gunita,” “Cantilena Romantica,” “Ave Maria,” “Scherzo in D major,” “Efipania de las Rosa,” at “No Adayuca.” Ngunit hinangaan niya si Claud Debussy at ang impresyonistang estilo nito na ginamit niya sa “Pandangguhan” noong 1951.


Matagal siyáng naging guro ng musika sa UP, University of Santo Tomas Conservatory of Music at Centro Escolar University. Nagkamit siyá ng sumusunod na pagkilala at karangalan: Honorary Doctorate in law mula sa CEU (1953); Republic Cultural Heritage Award (1965 at 1972), Dean Emeritus, CEU (1970); UP Conservatory Alumni Award; Phi Kappa Beta Award (1972); at Patnubay ng Sining at Kalinangan Award (1979).


Isinilang siyá noong 26 Disyembre 1894 sa Quiapo, Maynila kina Juan Molina at Simeona Naguit.


Ang kaniyang ama ay isang inspektor sa adwana ng gobyernong Espanyol sa Maynila at tagapagtatag ng makasaysayang Molina Orchestra.


Nag-aral siyá sa San Juan de Letran at nagtapos ng Bastilyer sa Sining noong 1909. Nag-aral siyá ng musika at natamo ang diplomang pangguro noong 1923 para sa violoncello sa UP Conservatory of Music.


Ikinasal siyá kay Pilar Siauinco at nagkaroon ng apat na supling, kabilang na sina Antonio Maria Jr. na isa ring kompositor at konduktor, at Exequiel na isang jazz artist at peryodista. Namatay si Pilar noong 1957 at matapos ang walong taon ay muling nag-asawa siya kay Carmen Serrano, dati niyang mag-aaral sa CEU.


Namatay siya noong 29 Enero 1980.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: