Danza
Isinasayaw ito sa isang square pattern at may musikang instrumental. Pinaniniwalaang nagmula ito sa Ingles na contradance o square dance na hiniram ng Espanya at tinawag na contradanza o danza.
Noong 1825, nadala ito sa Cuba at nahaluan ng ritmong Aprikano-Cubano. Noong 1850, tinawag na itong habanera (mula sa pangalan ng Havana) at sinimulang lapatan ng lirika at awitin.
Ilan sa mga kilalang kompositor ng danza sina Manuel Gregorio Tavarez na kinikilala bilang “Ama ng Danzang Puerto Rico”, Juan Morel Campos na dinalisay ang komposisyon ng naturang tugtugin, ang Cubanong si Ignacio Cervantes, at ang Curacaoanong si Jan Gerard Palm.
Pinaniniwalaang naging popular ito sa Filipinas noong pagtatapos ng siglo 19 bilang intermisyon ng sarsuwela na dumating sa bansa noong 1878.
Itinuturing itong isang uri ng sayaw na Maria Clara mula sa tauhan sa Noli Me Tangere ni Jose Rizal dahil nakasuot ng damit Maria Clara ang mga babaeng sumasayaw nito.
Ilan sa bantog na musikang danza ay ang komposisyong ‘Lambingan” nina Leon Ignacio at Jose Corazon de Jesus, “Ang Tangi Kong Pag-ibig” ni Constancio de Guzman, “Laganap Na ang Dilim sa Silangan” ni Santiago Suarez, at “Dahil sa Iyo” ni Miguel Velarde.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Danza "