Ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ay nagtatakda ng overnight rates, kabilang ang RRP rate na kilala rin bilang key policy rate. Ang key policy rate ay maaaring itaas o ibaba ng BSP ayon sa pagsusuri nito ng kasalukuyang estado ng ekonomiya at pagtataya ng mga pwede nitong kahinatnan sa hinaharap.


Ang BSP ay maaaring magtaas, magbaba, o hindi magbago ng kanyang Key Policy Rate. Nakapagbibigay ang key policy rate ng senyales sa merkado hinggil sa pangkalahatang antas ng interes.

 

Isang maaaring policy action ng BSP ay ang pagtaas ng Key Policy Rate.


Senaryo: Mas mataas ang tinatayang inflation rate kaysa sa target o tumitindi ang inflationary pressures sa sobrang dami ng perang umiikot sa ekonomiya.


Aksyon ng BSP: Itataas ng BSP ang Key Policy Rate.


Epekto:

  • Mahihikayat ang mga bangko na magdeposito sa BSP.
  • Tataas ang bank lending rates.
  • Mababawasan ang pag-utang.
  • Mababawasan ang perang umiikot sa ekonomiya o money supply na makapagpapahina sa kabuuang demand.
  • Kapag mababa ang overall demand, mahina ang mga presyur na makapagpapataas sa presyo ng mga bilihin.


Maari ring ang policy action ng BSP ay ang pagbaba ng Key Policy Rate.


Senaryo: Mas mababa ang tinatayang inflation rate kaysa sa target o kailangang ang pera sa financial system.


Aksyon ng BSP: Ibababa ng BSP ang key policy rate.


Epekto:

  • Babawasan ng mga bangko ang kanilang deposito sa BSP.
  • Bababa ang bank lending rates.
  • Madaragdagan ang pag-utang.
  • Madaragdagan ang perang umiikot sa ekonomiya o money supplyna makapagpapalakas sa kabuuang demand at makadaragdag sa mga economic activities.


Maaari rin namang hindi baguhin o i-maintain lamang ng BSP ang umiiral na key policy rate kung ayon sa pagsusuri nito ay walang problema sa inflation o sa ekonomiya, o kung sa pagtataya nito ay sapat na ang nagawang pagbabago sa nakaraan nitong pagdedesisyon.


Mungkahing Basahin: