Ang pilandok (Tragulus nigricans) o Philippine Mouse-deer sa wikang Ingles, ay kilalá rin sa tawag na Balabac Mouse Deer. Ito ay matatagpuan lámang sa maliliit na isla ng Balabac, sa timog-kanlurang Palawan. Itinuturing itong subspecies ng Greater Mouse-deer (T. napu). Kahit na tinatawag na Philippine Mouse-deer, hindi ito kabilang sa pamilya Cervidae, ngunit miyembro ng pamilya chevrotain.


May kulay itong itim o kayumangging balahibo na may mga guhit ng kulay putî sa may dakong leeg at dibdib. Payat ang mga binti nitó. Ang lalaki ay walang mga sungay tulad ng isang tunay na usa, Ginagamit nitó ang matatalas na mga ngipin, na katulad sa mga aso, bilang pananggalang sa sarili o sa pakikipaglaban para sa teritoryo.


Ang pilandok ay isang nokturnal na hayop at mahilig mapag-isa, kumakain ito ng maliliit na dahon, mga bulaklak, at iba pang mga pananim sa kagubatan. Kung araw, nasa gubat ito at hindi gaanong gumagalaw. Sa mga kuwentong-bayan sa Pilipinas, binibigyang buhay ng pilandok ang isang tuso at mapanlansing hayop. Sa isang kuwentong Maranaw, nakumbinsi ng pilandok ang isang prinsipe na ibigay sa kaniya ang isang bag na may lamang ginto. Nanganganib na mapuksa ang pilandok dahil sa pagkawala at pagkasira ng kanilang tirahan sa kagubatan, panghahanting, at hindi matigil na kalakalan ng mga mababangis na hayop.


Pinagmulan: NCCA Official via Flickr


Mungkahing Basahin: