Parang Sabil
Parang sabil ang tawag sa mga patulang salaysay ng mga Tausug ng arkipelago ng Sulu. Ang parang sabil din ay katumbas ng epikong-bayan sa wikang Filipino. Mula ito sa dalawang salitang Tausug: ang perang na nangangahulugang digmaan o kayâ’y espada at sabil na nagmula sa sabilullah, ibig sabihin ay “sa pamamaraan ni Allah.” Kung kayâ masasabing ang kahulugan ng parang sabil ay “lumaban gamit ang espada ayon sa kagustuhan ni Allah” o kayâ “pakikidigma ayon sa kagustuhan ni Allah”.
Ang parang sabil ay hindi gaanong hawig sa darangan ng Maranaw at epiko ng Magindanaw. Isang dahilan ang heograpiya: nasa arkipelago ng Sulu ang parang sabil ng Tausug samantalang nasa isang malawak na lupain ang mga Maranaw at Magindanaw. Kadalasan, ang parang sabil ay kinakanta tuwing gabi, lalo na kapag may kasayahan ang komunidad. Umaabot itong kantahin sa pitó hanggang sampung gabi, depende sa bilis ng tagakanta. Hábang kinakanta ang parang sabil, sinasabayan ito ng gabbang, isang instrumentong gawa sa kawayan na kawangis ng xylophone.
Isang litaw na tema ng parang sabil ay ang pakikipagdigma ng mga Tausug sa mga dayuhang mananakop, lalo na ang mga Espanyol at mga Amerikano. Sa Parang Sabil ni Abdulla at Putli Isara noong Panahon ng Espanyol, kinanta ni Indah Annura kung paanong ipinaghiganti ng mga kapuwa Tausug ang dangal ni Putli Isara na niyurakan ng isang sundalong Espanyol. Sa Kissa Parang Sabil ni Panglima Hassan, ibinahagi naman ang kadakilaan ng bayaning Tausug na si Panglima Hassan ang pagtatanggol nitó sa Sulu na naging sanhi ng kaniyang kamatayan sa Bud Bagsak, isang bundok sa Sulu. Sa mga parang sabil ng Tausug, ipinapakita nitó ang ilang sentral na kamalayan ng Tausug, gaya ng maratabat (karangalan) at sipug (kahihiyan).
Pinagmulan: NCCA Official via Flickr
No Comment to " Parang Sabil "