Pangalay
Pangalay
Ang pangalay ay isang sayaw ng papuri para sa mga bisita, kamag-anak o kaibigan ng mga Tausug, Samal, Badjaw, at Jama Mapun. Maaari ring gamitin ito bilang ekspresyong espiritwal, at sa iba pang ritwal na may kinalaman sa pasasalamat at paghilom. Tampok na sayaw rin ang pangalay sa mga pagdiriwang ng mararangyang kasal sa Sulu. Sa kasong ito, ang mahuhusay na mananayaw ng pangalay ang inaatasang sumayaw hábang idinaraos ang kasayahan. Ang kulintang, gabbang, at agung ang karaniwang saliw ng pangalay.
Ang pangalay ay sinasabing sinasayaw na bago pa man dumating ang Muslim at Espanyol sa kapuluan. Ang batayang galaw nito ay hango sa mga tradisyonal na sayaw ng Sulu at Tawi-tawi. Itinuturing itong sayaw ng buong komunidad. Mataas o mababà mang miyembro ng lipunan, lalaki man o babae, ay maaaring sumayaw nito.
Para sa sayaw, ang mga babae ay nagsusuot ng biyatawi, o masikip na blusa, at sawwal, maluwag na pang-ibabâng tila pantalon, na pinapatungan ng siyag. Ang mga lalaki naman ay nagsusuot din ng sawwal kapu, masikip na bersiyon ng sawwal. Karaniwan ding nagsusuot ng janggay, pahabâng kuko na gawa sa metal ang mga babaeng mananayaw. Ang mayayaman naman ay gawa sa ginto o pilak ang ginagamit na janggay.
May mga uri ng pangalay na may iba’t ibang hakbang, saliw, at iba pang elemento. Ang bulah-bulah ay sayaw ng Samal-Badjaw na ginagamitan ng bulah o pamalakpak na gawa sa kawayan. Sa halip na instrumento ang saliw, ang lunsay naman ay sinasayaw sa himig ng mga mang-aawit. Ang magjuwata at magpugot ay mga sayaw na ritwal na nagpapaalis ng espiritu.
Pinagmulan: NCCA Official via Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Pangalay "