Dugso
Karaniwang isinasayaw ito sa mahalagang okasyong gaya ng kaliga (pista) at kaamulan (pagtitipon ng tribu). Ginagawa rin sa pagdiriwang ng masaganang ani, pagsisilang ng tagapagmanang anak na lalaki, at tagumpay sa labanan.
Gayunman, may nagsasabing itinatanghal lamang ito kung may kaliga upang aliwin ang mga anito.
Sinasayaw ito ng kababaihan sa pangunguna ng isang babaylan. May masalimuot itong mga hakbang ng paa habang umiikot sa dapulan, isang sisidlan ng apoy na seremonyal.
Dinadala diumano ng usok ang mga dalangin sa pook ng mga bathala. May nabuo nang bokabularyo ngayon ang mga hakbang sa sayaw, gaya ng inanud (inanod o dinala ng tubig), binadbad (pagtanggal ng buhol), tinaktak (talón ng tubig), inaksiyon (kumikilos), inulang (tila ulang), linibog (magulo o nakalilito), pinispis (tulad ng loro), sangkululo (paggaya sa tandang na lumiligid sa inahin), dinatag (introduksiyon), binakbak (tulad ng palaka). Ang kahali-halina at banayad na kunday ng kamay ay tinatawag na kubay.
Karaniwang walang instrumentong sumasaliw sa sayaw. Ang tunog at ritmo ay likha ng saliyaw o singgil na tila mga pulseras na suot ng mga mananayaw sa binti. May suot na sinuyaman ang mga mananayaw, isang set ng kasuotan na binubuo ng panaksoy, isang blusang may mga guhit na putî, itim, pula, o dilaw, may tila kampanang manggas, at hanggang ibabaw ng balakang upang llumitaw ang tattoo sa puson; saya, na tila paldang makulay at wrap-around; at ang putong na sulam-sulang.
Ang naturang putong ay binubuo ng isang malaking metal na suklay at pinalamutihan ng mga tingting na binalot sa himaymay at makulay na balahibo. Ang mga tingting ay nakasoksok sa suklay na tila mga sinag at mistulang buntot ng paboreal. Hinubog ang sulam-sulang alinsunod sa mitikong ibong papagayok na may napakaningning na mga balahibo.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Dugso "