On
Ano ang tenes-tenes?


Ang tenes-tenes ay isang uri ng awit na popular sa mga Sama Dilaut at inaawit ng mga musmos, ng mga kabataan, at ng mga tigulang.


Nag-iiba ang himig at paksa ng awit alinsunod sa layunin at sa edad ng umaawit. Habang naglalaro, biglang kumakanta ng tenetenes ang isang batà tungkol sa kung anuman ang pumasok sa kaniyang isip o napagpakuan ng pansin.


Habang nangingisda o naglalayag, ginagamit ng kabataan ang tradisyonal na himig upang umawit hinggil sa paglalakbay, hanapbuhay, o tanawin sa paligid.


Kung gabi, sa daungan, nagsasagutan ng mga tenes-tenes ng pag-ibig ang mga kabataang lalaki’t babae. Gayunman, may tenes-tenes na nagtataglay ng mahabàng kuwento tungkol sa mga karanasan ng Sama Dilaut, malimit na kaugnay ng mga totoong pangyayari, gaya ng paglalakbay na inabot ng sakuna o labanan ng mga pirata.


Narito ang bahagi ng isang tenes-tenes na inawit ng isang walong taóng gulang hábang naglalaro:


Ang awit ko ay kulay bughaw


Kahapon nangisda si ama at maraming nahúling isda.


Búkas maglalayag kami sa Lioboran


At mangingisda doon sina ama at kuya.


Matataas ang punongkahoy sa pulô.


Madalas kong maalala ang mga kaibigan ko sa Luuk Tulai.


Sana magustuhan ninyo ang awit ko.


Kulot ang buhok ni ina


At kahapon bumili siyá ng bagong sarong.


Paglaki ko magkakaroon ako ng mangingibig at mag-aasawa.


Ito ang wakas ng awit ko.


Ang mga tenes-tenes na pasalaysay at tungkol sa mga totoong pangyayari sa Tawi-Tawi ay malimit na kinakanta ng mga mala-propesyonal na mang-aawit. Lumilibot silá sa mga pulo at naiimbita upang magdulot ng aliw sa mga kasalan at mga pagtitipon. May mga kuwentong umaabot sa isa hanggang dalawang oras ang pag-awit.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: