Maykapal
Sa mitolohiyang Tagalog, tinatawag ang Maykapal bilang Bathala o Bathalang Maykapal, ang dakilang lumikha at itinuturing na pinakamakapangyarihan ng mga Tagalog.
Iba’t ibang baybay ng salitang bathala ang naitalâ ng mga misyonerong Espanyol: ‘badhala’ sa Relacion de las Costumbres de los Tagalos (1589) ni Juan de Plasencia; ‘batala’ sa Relacion de las Yslas Filipinas (1582) ni Miguel de Loarca, at ‘bathala’ sa Relacion de las Islas Filipinas (1595) ni Pedro Chirino.
Sinasabing mula ito sa salitang Sanskrito na “bhattara” o dakilang panginoon at naging titulong batara noong siglo 16 sa Katimugang Filipinas at Borneo. Dahil sa pinaniniwalaang pinagmulang Sanskrito, naniniwala ang ilang iskolar na ang salitâng Maykapal ang katutubong katawagan sa manlilikhâ. Mayroon ding naniniwalang ang Bathalang Maykapal ang buong katawagan sa manlilikha, at maaaring tawaging Bathala o Maykapal.
Ilan pa sa mga katawagan ng mga sinaunang Filipino sa kanilang Manlilikha ay:
- Kaptan ng mga Bisaya,
- Melu ng mga Bilaan,
- Bagatulayan ng mga Tinggian,
- Kabunyian at Lumawig ng mga Igorot,
- Minaden, ang babaeng manlilikha ng mga Tiruray, at
- Mahal na Makaako ng mga Mangyan.
Bagaman naniniwala sa iisang Maykapal ang mga sinaunang Filipino, sumasamba din silá sa iba’t ibang aníto, mga sinaunang espiritu ng kanilang ninuno o ng kalikasan. Ginagawa nilá ang pagsambang ito dahil hindi nilá maaaring direktang kausapin ang Manlilikhâ at itinalaga ng Maykapal ang mga anito upang maging tagapamagitan at tagagabay ng mga nabubuhay. Naniniwala din silá sa mga diwatà na tagapangalaga ng iba’t ibang bagay sa kaligiran.
Sa pagdating ng Kristiyanismo sa bansa, inalis ng mga paring misyonero ang pagsamba sa mga anito dahil iniugnay ang mga ito sa panlilinlang ng mga demonyo. Pinanatíli ang konsepto ng iisang Maykapal dahil sa pagkakatulad nitó sa Kristiyanong Diyos.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
No Comment to " Maykapal "