Sino si Felipe Calderon?


Si Felípe Calderon ay isang abogado, manunulat, at edukador na sumulat ng Konstitusyon ng Unang Republika ng Filipinas (Konstitusyon ng Malolos).


Pagkaraang magtapos ng abogasya, pumasok siyá sa law office ni Cayetano Arellano, ang unang punòng mahistrado ng Korte Suprema. Pagkaraan ng Unang Sigaw sa Balintawak, isa si Calderon sa mga dinakip at ikinulong sa Fuerza Santiago.


Nang magbalik si Heneral Emilio Aguinaldo mula sa Hong Kong noong 1898, itinalaga niya si Calderon bilang delegado sa Kongresong Malolos. Sinulat ng abogado ang borador ng Konstitusyon at isinumite sa Kongreso, na siyáng nagpatibay dito.


Noong 1899, nagkaroon si Calderon ng ambag sa larang ng edukasyon sa kaniyang pagkakatatag ng dalawang pamantasan, ang Escuela de Derecho at Colegio de Abogados de Manila. Nagturo siyá dito at pati na rin sa Liceo de Manila at Instituto de Mujeres.


Bilang manunulat, nagsulat siyá ng talambuhay ng mga kaibigang tulad nina Jose Ma. Basa at Lorenzo Guerrero, at ng mga sanaysay pangkasaysayan tulad ng Documentos para Historia Filipinas, Los Ultimos Dia del Regimen Español en Filipinas, El Mas de Agosto en la Historia Patria, at Mis Memorias Sabre la Revolucion.


Noong 1904, itinatag niya ang Samahan ng mga Mananagalog sa tulong ng mga kilaláng manunulat na Tagalog. Sa taóng din nito siyá itinalaga bilang kasapi ng komisyon na nagsusulat ng Kodigo Penal. Sinundan ito noong 1905 sa kaniyang pagtatatag ng Assosacion Historia de Filipinas, at ang pahayagang Revista Historica de Filipinas. Sa taóng din iyon, itinatag niya ang isang samahan para sa pangangalaga ng mga sanggol, ang La Proteccion de la Infancia.


Isinilang siyá noong 4 Abril 1868 sa Santa Cruz de Malabon (ngayon ay Tanza), Cavite kina José Gonzáles Calderón at Manuela Roca. Kapatid niya si Fernando Calderon, na siyáng naging unang Filipinong direktor ng Philippine General Hospital.


Nag-aral siyá ng elementarya at sekundarya bilang iskolar sa Ateneo Municipal de Manila. Pumasok siyá sa Unibersidad ng Santo Tomas at nagtapos noong 1893. Nagtrabaho siyá para sa ilang pahayagan habang tinatapos ang pag-aaral.


Yumao siyá noong 6 Hulyo 1908 sa St. Paul’s Hospital sa Maynila.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr