On
Ano ang asyenda?


Ang asyenda (mula sa Espanyol na hacienda) ay malawak na lupain na karaniwang pag-aari ng mga taong nakaaangat sa lipunan at ginagamit bilang plantasyon.


Umusbong ang mga ito sa Filipinas noong ika-19 na dantaon bunsod ng dalawang pangyayari. Una, ang kolonya ay nagbukas sa kalakalang pandaigdig at pangalawa, naitatag dito ang ekonomiyang cashcrop, isang ekonomiya na nakabase sa mga kalakal na pananim tulad ng abaka, tabako, kape, bigas, at asukal.


Sa unang pagkakataon, nabuksan sa kamalayan ng mga tao ang kahalagahan ng lupa. Bunga nito, nagsimulang mag-ari ng lupa ang mga taong may mataas na estado o uri sa lipunan, at kinalaunan ay tinawag ang kanilang mga lupain na asyenda.


Bukod sa mga relihiyosong korporasyon, mga Espanyol, at creoles (mga Espanyol na ipinanganak sa Filipinas), naging aktibo din sa pag-aari ng lupa ang mga mestisong Tsino na sa panahong ito ay nagkaroon na ng sapat na yaman mula sa kanilang mga negosyo upang tustusan ang pagbili ng lupa.


Ang paglago ng kanilang lupain ay bunsod ng pacto de retroventa, isang kasunduan na ibinibigay ng taong nangungutang ng pera ang kaniyang lupa bilang kolateral sa taong kaniyang inutangan.


Bahagi ng kasunduan ang muling pagbili ng una sa kaniyang lupa mula sa huli sa halagang katumbas ng kaniyang pagbebenta. Gayunman, sa ilalim ng kasunduang ito, hindi na nababawi ng taong nagbenta ang kaniyang lupa.


Bukod sa pacto de retroventa, naging daan din ang Batas Maura noong panahong ito sa pag-usbong ng asyenda. Ayon sa batas na ito, may isang taong palugit lamang ang sinuman upang patituluhan ang kanilang lupa. Sinumang hindi makatupad dito ay mawawalan ng karapatan sa kaniyang pag-aari.


Bunsod ng kawalang-alam sa batas na ito, ang lupa na pag-aari ng mga maliliit na tao ay naglaho at napasama sa titulo ng mga malaking nagmamay-ari ng lupa na nakakaalam sa nasabing batas.


Bago pa ang dalawang nabanggit sa itaas, ang mga gawad ng monarkiya (royal grants) at pagbili sa mga lupaing pag-aari nitó (realengas o royal estates) ang nagbigay daan sa paglitaw ng malalawak na lupaing pagmamay-ari ng iilang mariwasang tao sa Filipinas.


Sa simula pa lamang ng pananakop, ang mga opisyal na Espanyol ay binibigyan ng karapatang pangalagaan ang malalawak na lupaing tinatawag na engkomiyenda (encomienda). Ang mga lupaing ito ang naging pundasyon ng mga asyenda sa kasalukuyan. Sa Luzon, ang dalawang malaking asyendang Luisita at Esperanza ay bunga ng nabanggit na gawad ng monarkiya.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: