Sino si Arturo Alcaraz?

Si Arturo Alcaraz (Ar·tú·ro Al·ka·ráz) ay isang bulkanologo (volcanologist) na kinikilála bilang “Ama ng Pagsulong ng Enerhiyang Heotermal” ng Pilipinas. Ang kaniyang mga pag-aaral sa mga bulkan ng kapuluan at ang enerhiya na maaaring makuha mula sa mga ito ang pumukaw sa pambansang interes hinggil sa geothermal energy.


Malaki ang ginampanan niya sa pagtitirik ng mga plantang heotermal sa buong bansa, tulad sa Tiwi, Bundok Makiling, Bundok Banahaw, at Leyte. Masasabing inihanda ng kaniyang pagpupursigi ang bansa laban sa mga krisis enerhiya (i.e., sa krudo) na tumama dito, at nagpasibol sa isang industriyang lumikha ng maraming trabaho.


Noong 1942, siya ang naging Chief Geophysicist ng Philippine Weather Bureau. Noong 1951, hinirang siyang Chief Volcanologist ng bagongtatag na Commission on Volcanology. Noong 1955, ginawaran siya ng Guggenheim Fellowship. Noong 1967, kabilang si Alcaraz sa mga nagpailaw ng bombilya gamit ang enerhiya mula sa isang bulkan malapit sa Tiwi; ito ang unang nilikhang heotermal na enerhiya sa bansa. Noong 1968, ginawaran siyá ng Presidential Award of Merit. Noong 1982, hinirang siyang Ramon Magsaysay Awardee for Government Service.


Isinilang siya noong 21 Marso 1916 sa Maynila kina Conrado Alcaraz at Paz Pineda.


Nag-aral siya ng elementarya sa Lucena, Quezon, at hay-iskul sa Camarines Norte at Baguio. Sa huling lugar, na siyang nagtatamasa noon ng kasagsagan sa pagmimina, napukaw ang kaniyang hilig sa pagmimina at heolohiya. Nagtapos siya ng BS Mining Engineering sa Mapua Institute of Technology noong 1937, at MS Geology sa University of Wisconsin noong 1941. Pagkaraan ay nag-aral din siyá sa University of California at Berkeley at ginawaran ng Certificate in Volcanology.


Nagkaroon siya ng tatlong anak sa asawang si Lilia Salas. Pumanaw siya noong 10 Marso 2001.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: