Bulkan
Ang pangalan ay mula sa Espanyol na volcan (volcano sa Ingles) at ipinangalan sa diyos na si Vulcan ng mitolohiyang Romano. Malimit na itinuturing lamang itong “bundok” sa sinaunang Filipinas. Malimit ding larawan ng bulkan ang isang bundok hugis kono at nagbubuga ng kumukulong putik at usok mula sa bunganga o kreyter ng tuktok nito.
Totoo namang marami sa aktibong bulkan noon at ngayon ang matayog at may konong bulkaniko. Ngunit marami ring bulkan na nasa ilalim ng dagat o bulkang submarino.
May tatlong uri din ang bulkan sang-ayon sa kalagayan:
- ang aktibo, na may mga ulat ng pagsabog;
- ang natutulog (dormant) o matagal nang di sumasabog ngunit may panganib na muling maging aktibo; at
- ang patay na (extinct) o ipinalalagay ng mga siyentista na wala nang kakayahang pumutok dahil wala nang suplay ng magma.
Sa kalahatan, ang bulkan ay matatagpuan sa pook ng pagdudugtong o paghihiwalay ng mga platong tektoniko ng planeta. May bulkan sa gayon na dulot ng subduksiyon o pagbabangga ng isang platong karagatan at isang platong kontinental. Napapailalim ang platong karagatan at nakalilikha ng magma, isang mainit na sustansiya na kapag nakarating sa rabaw ng dagat ay nakahuhubog ng bulkan.
Mapanganib ang pagputok ng bulkan dahil sa mga ibinubuga nitong lava, mga bagay na payroklastik, lahar, at abo.
Ang lava ay mahabang daloy ng nagbabagang bato.
Ang lahar (isang salitâng Indones) ay malaganap na daloy ng mainit na putik at ibang bagay na payroklastik. Ang usok at abo ay maaaring magpadilim sa himpapawid. Isa pang panganib ang tsunami (isang salitang Hapones), ang higanteng daluyong ng alon na umaabot sa malayo at bunga ng lindol at pagsabog ng bulkan sa ilalim ng dagat.
Maraming bulkan sa Filipinas dahil nakaupo sa tagpuan ng mga subduktibong plato. Ilan sa tanyag at aktibong bulkan sa bansa ang Bulkang Mayon, Bulkang Taal, Bulkang Kanlaon, at Bulkang Hibok-Hibok. Niyanig ang buong mundo ng biglang pagsabog ng Bulkang Pinatubo noong Hulyo-Agosto 1992.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
No Comment to " Bulkan "