Ramon Alcaraz
Nitong 6 Mayo 2012, ipinahayag ni Pangulong Benigno Aquino III na pangangalanan ang ikalawang Hamilton Class Cutter ng hukbong dagat na BRP Ramon Alcaraz at marami ang nagtanong. Sino ba si Ramon Alcaráz? Isa siyang ipinagmamalaking bayani ng hukbong dagat noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig at may maningning na rekord ng paglilingkod hanggang magretirong komodor noong 1966.
Ipinanganak si Alcaraz noong 31 Agosto 1913 sa Plaridel, Bulacan. Kumuha siya ng pagsusulit para sa PMA noong 1936, nakapasa, at nagtapos kasama ng 79 na bumubuo sa Class 1940. Pito silang sumapi sa Off-Shore Patrol. Pagsiklab ng digma, nadestino si Alcaraz sa First Q-Boat Squadron na binubuo ng mga torpedo boat. Siyá ang itinalagang komander ng Q-112 (Abra).
Noong 17 Enero 1942, nakasagupa ng Q-112 ang siyam na dive bomber ng mga Hapones. Agad nagpaputok sina Alcaraz at tatlo sa mga eroplano ang tinamaan bago lumipad palayo. Dahil sa katapangan, ginawaran si Alcaraz ng Silver Star at itinaas sa ranggong unang tenyente. Nabihag ng mga kaaway si Alcaraz sa Paombong pagkaraang mapalubog ang Q-112 sa baybayin ng Bataan noong 10 Abril 1942. Ipiniit siya sa Malolos. Nang palayain, sumapi siya sa Philippine Constabulary ngunit ginamit itong panlilinlang para sa kaniyang pagtulong sa mga gerilya ng Bulacan at Hilagang Luzon.
Pagkatapos ng digma, bumalik siya sa hukbong dagat at ipinadala sa Estados Unidos noong 1950 upang pag-aralan ang organisasyon ng US Marines. Noong 1952 at sa kainitan ng rebelyon ni Hajji Kamlon, inatasan si Alcaraz magpatrulya sa Dagat Sulu at matagumpay namang napayapa niya ang rehiyon. Dahil dito, sinabitan siyá ng Military Merit Medal. Noong 1964, hinirang siyáng puno ng Naval Operations Force at nakaharang ng libo-libong pisong halaga ng puslit na sigarilyo.
Hindi kinilala sa panahon ni Pangulong Marcos ang kaniyang tagumpay hanggang magretiro. Naging kritiko siya ng mga pambansang patakarang militar. Nang ideklara ang Batas Militar, inaresto si Alcaraz at napilitang umalis ng bansa. Namatay siya noong 25 Hunyo 2009 sa Orange County, Timog California.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Ramon Alcaraz "