Sino si Manuel Colayco?


Isang aktibong peryodista sa Ingles at gerilya noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, itinuturing siyang “bayaning liberasyon” dahil nasabugan ng granada at namatay habang nangunguna sa pagsagip sa mga bilanggo sa Unibersidad ng Santo Tomas.


Ipinanganak si Manuel C. Colayco (Man·wél Si Ko·láy·ko) noong 29 Mayo 1906 sa Lungsod Pasay kina Rufo Colayco at Petrona Carlos.


Nagaral siya sa Mabini Elementary School sa Ermita, sa Manila High School sa Intramuros, at Ateneo de Manila.


Sa Ateneo pa lamang ay lumitaw na ang hilig niyang manunulat. Naging unang editor siya ng Guidon, ang diyaryo ng mga estudyante, at ng anwal na Aegis. Pagkatapos noong 1930, nagturo siya sa UST. Nagturo din siya sa ibang paaralan hábang nag-aaral ng abogasya sa UST na natapos niya noong 1934.


Naging editor siya ng seksiyong Ingles ng La Defensa at naging unang editor ng Philippine Commonwealth. Noong 1939, nahirang siyang puno ng delegasyon sa International Eucharistic Congress sa Budapest. Nagbiyahe din siya sa Estados Unidos.


Pagsiklab ng digmaang Pasipiko, nagpalista siya sa hukbo at nagboluntaryo sa tanggulan ng Bataan. Nakasama sa Death March, ngunit pinalaya ng mga Hapones sa Tarlac.


Kaagad siyang sumapi sa kilusang gerilya at naging pinuno ng 7th Manila Unit ng Allied Intelligence Bureau.


Naglathala din siya ng Freedom, isang diyaryong gerilya. Sa liberasyon ng Maynila, nagboluntaryo siyang pinuno ng pangkat ng sundalo para sagipin ang mga bilanggo sa Unibersidad ng Santo Tomas.


Pumosisyon siya sa main gate ng UST at itinuturo sa mga kasama ang mga dapat lusubin nang lumagpak sa harap nila ang isang granada. Isa siya sa mga nasawi noong 10 Pebrero 1945. May marker na pang-alaala sa kaniya ngayon sa Darham Plaza, Lungsod Pasay.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: