Artes y Reglas de la Lengua Tagala
Ang Artes y reglas de la lengua tagala ang unang nalathalang pag-aaral sa katangian at gramatika ng isang wikang katutubo.
Inilathala ito noong 1610, isinulat ni Fray Francisco Blancas de San Jose, isang misyonerong Dominiko at inilimbag ni Tomas Pinpin sa imprentang Dominiko sa Abucay, Bataan. Nagkaroon pa ng dalawang limbag ang libro noong 1752 at 1832.
Tulad ng iba pang unang libro sa gramatika ng ibang wika sa Filipinas, inihanda ni Fray San Jose ang Arte y reglas para sa susunod na mga kapuwa misyonero upang higit silang mabilis matuto ng wika ng katutubo.
Naging patakaran ng mga misyonero sa Filipinas na sila ang mag-aral ng wika sa pook ng kanilang destino sa halip na sapilitan nilang ituro ang Espanyol sa mga Indio.
Dahil dito, mga misyonero ang unang nag-aral at sumulat ng gramatika ng mga wikang katutubo na pinagpalaganapan nila ng Kristiyanismo. Napakahalaga nito sa naganap na preserbasyon ng mga wikang katutubo sa Filipinas sa kabila ng tatlong dantaon ng kolonyalismong Espanyol.
Si Fray San Jose ay isinilang sa Navarra, Espanya at dumating sa Maynila noong 1595. Kahanga-hanga ang kaniyang talino sa pag-aaral ng wika.
Sa Bataan siya unang nadestino at sa loob ng tatlong buwan ay nakapagsesermon na sa Tagalog. Dahil sa dalubhasa sa Tagalog, nilagyan niya ng titik na Kristiyano ang mga katutubong awit upang maging kasangkapan sa pagpapalaganap ng bagong relihiyon.
Sumulat din siya ng mga tula at maituturing na unang makatang misyonerong naglathala ng tula. Lumabas ang mga unang tula niya bilang patulang bersiyon ng mga pagninilay niya sa Sampung Utos sa libro niyang Memorial de la vida cristiana en lengua tagala (1605).
Isa rin siya sa unang nagtipon ng salita para sa bokabularyong Tagalog na itinuloy ng ibang mga misyonero pagkamatay niya.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Artes y Reglas de la Lengua Tagala "