Gumamela
Isa ito sa mga halamang may kompletong bahagi. Kabilang ito sa pamilya ng halamang Malvaceae at may siyentipikong pangalang Hibiscus rosasinensis. Karaniwang may taas itong 1-4 metro.
Ang dahon nito ay makintab na berde at may bulaklak na may iba’t ibang kulay tulad ng puti, dilaw, pula, at kahel. Humigit-kumulang sa 300 ang uri ng gumamela na matatagpuan sa buong mundo at tumutubò ang mga ito sa mga lugar na hindi masyadong malamig o mainit.
Iba-iba ang tawag sa gumamela sa Filipinas: antolanga o antolangan (Tagalog, Bisaya), tapuranga o tapurang (Bisaya), tarokanga (Bisaya, Pampango), arotangan (Pampango), taukangga (Sulu), gomamela (Tagalog), gumamela (Tagalog, Bisaya, Pampango), kayanga (Iloko, Bikol, Bisaya), saysaya (Bontok), tapolanga (Tagalog, Pampango).
Sa Pilipinas, ang gumamela ay pinakikinabangan din bilang halamanggamot. Ang nilagang tuyong ugat ng halaman ay pangontra sa bisa ng lason. Ang nilagang talulot naman nito ay maaari ding ipanggamot sa ubo at lagnat. Sa Tsina, kinikilala rin ang pangmedisinang gamit ng halamang gumamela gaya ng makikita sa Chinese Herbology.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Gumamela "