Isang napakahusay na pintor ng katutubong kulay ang Pambansang Alagad ng Sining Fernando Amorsolo. Nabihag niya sa pintura ang mga karaniwan at naglaho nang tanawin noon sa nayon. Isa sa mga ito ang larawan ng dalaga o mga dalagang labandera, nakatapis hanggang dibdib o nakabaro’t saya, at maligayang nagkukuskos ng damit sa tabi ng umaaliw-iw na batis sa lilim ng lumalawiswis na kawayan. Wala pa noong washing machine at laundromat. Ngunit ano ang gamit ng dalaga sa paglalaba? Banyera? Palanggana?


Hindi babagay ang banyera o palanggana sa lumipas na panahon ni Amorsolo. Sa halip, dapat asahan ang batya bilang kasangkapan sa paglalaba. Katulad din ito ng banyagang banyera o palanggana, may hugis itong nakalukong upang masidlan ng tubig, ngunit yari sa inukit na kahoy. Mahirap na ngayong makakita ng batya katulad ng pangyayaring mahirap ding makakita ng malaking punongkahoy na maaaring ukitan ng batya. Isang matimyas na parangal at paggunita sa batya ang bugtong na ito ng mga Batanggenyo:


Kakabiyak na dayap

Sa gubat pa hinanap.


Wala rin noong sabon. Kaya sa paglalaba noon, karaniwang ibinababad ang damit sa batya, pagkatapos ay kinukusot. Kung matigas ang tela ay ikinukuskos sa malapad at makinis na bato, at hinahampas ng kahoy na palupalo. Anupa’t ang “batya’t palupalo,” wika nga sa isang kanta, ang magkaternong kasangkapan ng labandera noon.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: