Andador
Ang andador ang tradisyonal na kasangkapan para masanay ang isang musmos na lumakad.
Kung baga, ito ang walker ngayon. Karaniwang yari ang andador sa yantok na hinutok para bumuo ng dalawang singsing, isa ay malaki at nagsisilbing saligan ng andador, at ang ikalawa ay maliit at kasiya ang katawan ng musmos at mga posteng yantok din o kawayan na may taas na hanggang dibdib ng musmos. Ipinapasok sa loob ng andadór ang musmos ngunit nakalabas ang mga kamay, at pinababayaang “lumakad” paikot-ikot sa sala ng bahay.
Mula sa wikang Espanyol ang andador (tagapagpakilos) at nangangahulugan nga ng gayong gamit sa paglakad.
Malaking tulong ito sa pagsasanay tumayo at manimbang ng bata, at nalilibre ang tagapag-alaga sa mahabang panahon ng paghawak sa mga kamay at pag-alalay sa musmos na nagnanais nang lumakad.
Naglaho ang andador sa mga tahanan, lalo na kalungsuran, dahil sa komersiyal at plastik na walker. Gayunman, marami ang naniniwala na higit itong ligtas. Una, mas ligtas ang organikong materyales ng andador. Ikalawa, higit na matatag ito kaysa de-gulong na walker. Gayunman, ipinapayo ng mga doktor ang maingat pa ring pagbabantay sa musmos na naglilikot.
Pinagmulan: NCCA Official | flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Andador "