Abakus
Ang abakus ay isang kasangkapang ginagamit sa pagkukuwenta. Tinatawag din itong abako sang-ayon sa Espanyol. Madalas na gumagamit ito ng kawayan bilang kuwadro at ng maliliit, karaniwang bilugan at may bútas na piraso ng mga bato, matigas na kahoy o katulad na tinutuhog ng mga kawad o alambre.
Ilang siglo nang ginagamit ang abakus sa ilang bahagi ng Asia bago pa man ang malawakang pagsusulat ng mga bílang. Nahahati sa dalawang bahagi ang mga piraso ng bato sa loob ng abakús. Ang bawat batong nása itaas ay may halagang lima (5) at bawat batong nása ibabâ ay may halagang isa (1). Kasáma sa pagbibilang ang bawat batong nakadikit sa kahoy na naghahati sa dalawang bahagi ng abakús. Nagagamit ito sa pagdaragdag, pagbabawas, paghahati, at pagpaparami ng mga bilang.
Nagmula umano ang salita sa Griyegong abakos na nagmula naman sa abax na tumutukoy sa sapad at manipis na piraso ng kahoy na karaniwang parihaba at nalalagyan ng buhangin o alikabok na ginagamit sa pagguguhit ng mga pigura ng heometriya at sa pagbibilang o pagkukuwenta.
Maraming pag-aaral ang nagsasabing nakatutulong ang paggamit ng abakus sa pagpapatalas sa isipan ng isang tao kayâ’t patuloy itong ginagamit sa maraming paaralan sa buong mundo. Mas mainam na pamalit umano ito kaysa kinasasanayan sa kasalukuyang pagmememorya ng multiplication table. Malimit makita ito ngayong ginagamit sa mga tindahang Tsino.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Abakus "