Ang bareta ay isang kasangkapan na binubuo ng isang mahaba at tuwid na piraso ng bakal na matulis ang isang dulo at ginagamit sa pambasag ng bato at paglikha ng butas sa lupa.


May uring tinatawag na bareta de-kabra na nakakurba ang isang dulo at may dalawang tulis na tila nagkahiwalay na ngipin. Ang tuwid na katawan ng bareta ay hawakan ng gumagamit. Ang nakakurbang dulong may dalawang ngipin ay panghikwat ng nais alising mahahabang pako at katulad.


Ang bareta ay nagsisilbi ding pingga at sa dulong nakakurba isinasabit ang anumang mabigat na kargada. Siyempre, maaari din itong gamiting sandata. Sa pagtatanim, ginagamit ito upang mabuhaghag ang lupa. Sa modernong pagmimina, ginagamit ito sa pagtatanggal ng mga pahulog nang bato.


Ang bareta ay karaniwang gawa mula sa karbon na bakal, samantalang ang ilan naman ay gawa sa titanyum. Ang mga baretang gawa sa titanyum ay magaan lamang kaya karaniwang ginagamit ito sa iba’t ibang aktibidad, tulad ng mountaineering o pag-akyat ng bundok.


Mas matibay din ito kaysa gawa sa karbon na bakal at mas matagal bago kalawangin. Ang mga bareta ay nagkakaiba din sa hugis. Maaari itong hugis silindriko, heksagonal o biluhaba.


Gayunman, ang mahabang hawakan ng bareta ang batayan ng pantawag na “bareta” sa mahabang bara ng sabong panlaba. Ipinapalagay na malaki ang natitipid sa sabon kung ang matigas na bareta ng sabon ang gagamiting panlaba. Bawat bareta ay katumbas malimit ng tatlo sa apat na piraso ng sabon.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: