Ano ang Buntal?
Mula ang himaymay na ito sa katawan at dahon ng halamang palma talipot (Corypha umbraculifera). Ang halamang ito ay kilala rin sa tawag na bule o buri. Kabilang ito sa pitong species ng palma na likas sa India, Malaysia, Indonesia, Pilipinas, New Guinea, at sa hilaga-silangang Australia.
Malalaki ang palmang ito, hugis pamaypay ang mga dahon, at may matatag na tangkay na may sukat na 2-5 metro ang haba. Lumalaki ito nang 20-40 metro, may diyametro ang punò na 1-2.5 metro.
Lahat ng species ay namamatay pagkatapos makapamulaklak. Mabagal lumaki ang halamang ito, maaaring mangailangan ng maraming taon bago magkaroon ng malaking puno.
Ayon sa kasaysayan, ginagamit sa maraming kultura sa timog-silangang Asia ang mga dahon ng palma talipot na sulatan, sa pamamagitan ng panulat na yari sa bakal, upang makagawa ng mga manuskrito.
Ang dagta ay ginagamit sa pagawa ng isang uri ng alak. Kabílang sa produkto na mula sa dahon ng talipot ang tradisyonal na payong. Ang mga dahon ay karaniwang ginagamit sa pagdadatig o paglalála ng mga basket, sombrero, at iba pa.
May tatlong klase ng himaymay ang maaaring makuha mula sa halamang ito:
- ang buri,
- raffia, at
- buntal.
Naging popular ang paggawa ng sombrerong buntal sa Bulacan. Nagkaroon ng negosyo sa
paglalala ng buntal at paggawa ng buntal hat, handbag at iba pa.
Magandang halimbawa nito ay ang Baliuag Buntal Enterprises. Naging bahagi na ng turismo ng Bulacan ang pagdaraos ng taunang Buntal Hat Festival upang ipakita ang magagandang sombrerong buntal, kasama na rin ang paggunita sa una at orihinal na buntal hat na ginawa pa noong 1910, noong panahong nauso sa buong mundo ang sombrerong buntal at mahigpit na naging kakompetensiya ng panama hat.
Pinagmulan: Kermit Agbas
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Ano ang Buntal? "