FAQ Ukol sa Cervical Cancer
Ano ang Cervix?
Ang cervix o kuwelyo ng matris (uterus) ay ang dulong bahagi ng matris, bago bumaba sa vagina o birth canal.
Ano naman ang cervical cancer?
Isa itong uri ng kanser na nagsisimula sa cervix. Matatandaang ang kanser ay ang tuloy-tuloy na pagdami ng mga abnormal na cell sa isang bahagi ng katawan. Sa kasong ito, nagaganap ang pagdami ng abnormal na cell sa cervix.
Paano nagkakaroon ng cervical cancer ang isang babae?
Dulot ng Human Papillomavirus o HPV ang cervical cancer. Maraming klase ang HPV strains. Ang mas mapanganib para sa kanser ng cervix ang ang HPV 16 at 18. Nakukuha at napapasa ang virus na ito sa pakikipagtalik, at nagdudulot ng impeksyon sa cervix. Ang HPV infection na ito ang maaaring magdulot ng mga kakaibang pagbabago sa mga cell ng cervix, na kalaunan ay maaaring maging cancer.
Sino ang maaaring magkaroon ng cervical cancer?
Kahit sinong babae edad 25 pataas ay maaaring magkaroon ng cervical cancer. Kaya naman inererekomenda na magpa-test kada limang (5) taon ang lahat ng babae edad 25-55.
May ilang mga salik na nakapagpapataas ng tsansa na magkaroon ng cervical cancer, gaya ng:
- Edad 30-49
- Paninigarilyo
- Pagkakaroon ng HIV o ibang immunocompromised na kondisyon
- Nanganak ng 3 o higit pang beses
- Pagkakaroon ng maraming sexual partner
- Paggamit ng birth control pills ng higit 5 taon
Paano maiiwasan ng cervical cancer?
Para mapababa ang tsansa ng pagkakaroon ng cervical cancer, pinakamainam na magpabakuna para sa HPV, at ang regular na screening.
Inirerekomenda ang quadrivalent HPV vaccine para sa mga babae edad 9-14 (2 dose, 6-12 buwan ang pagitan) at maaaring ibigay hanggang edad 15-26 (3 dose, 0, 1-2, 6 buwan). Pumuprotekta ang bakunang ito laban sa 4 na klase ng high-risk na HPV strains: HPV 6, 11, 16, at 18. Maaaring irekomenda ang parehas na iskedyul ng bakuna para sa mga lalaki.
Ang screening gamit ang visual inspection with acid (VIA) ay mabilis at simpleng paraan para makita kung may mga precancerous na lesion sa cervix. Samantala, ang regular na pap smear naman ang makakakita ng mga maaagang kakaibang pagbabago sa mga cell ng cervix. Depende sa resulta ng pap smear, maaaring magrekomenda ng mas madalas na follow-up o ng ibang test o management ng iyong doktor.
Mahalagang tandaan na kahit nabakunahan ng HPV vaccine, dapat pa ring magpa-test kada 5 taon ang lahat ng babae edad 25-55.
Lalo pang mapababa ang tsansa ng pagkakaroon ng cervical cancer sa pamamagitan ng:
- Paggamit ng condom sa pakikipagtalik
- Paglimita ng bilang ng sexual partner
- Paghinto o pag-iwas sa paninigarilyo, maging sa secondhand smoke
May mga side effect ba ang HPV vaccine?
Mahalagang tandaan na ang bakuna laban sa HPV ay subok na, napatunayang ligtas at epektibo. Walang epekto ang bakuna sa HPV sa fertility ng batang babae at hindi rin nito maaapektuhan ang kanyang kakayahang magbuntis at magkaroon ng malulusog na mga anak sa hinaharap.
Sino ang dapat magpa-screen para sa cervical cancer? Gaano kadalas dapat magpa-screen?
Lahat ng babae edad 25-55, dapat magpa-screen para sa cervical cancer kada 5 taon. Para sa mga babaeng may HIV, mas mataas ang tsansang magkaroon ng cervical cancer kaya mas madalas ang inirerekomendang screening kada 3 taon. Maaaring magrekomenda ng madalas na screening ang iyong doktor-mangyaring kumunsulta sa iyong Primary Care Provider para sa karagdagang impormasyon tungkol sa iyong mga opsyon pagdating sa screening at pagpapa-test.
Paano isinasagawa ang mga screening?
Ang unang method: Visual inspection with acedic acid (VIA). Ito ay isang simpleng pagsusuri gamit ang speculum para makita ng doktor ang cervix, kasunod ng paglalagay ng dilute acetic acid (3-5%) sa cervix. Magiging maputi ang abnormal na tissue matapos ilagay ang acedic acid.
Ang pap smear naman ay isang mabilis na pagkolekta ng sample cells sa cervix. Hindi ito dapat masakit, ngunit hindi maaaring hindi magaan sa pakiramdam. Ipapadala ang nakolektang sample sa laboratoryo para suriin sa ilalim ng microscope. Bumabalik ang resulta nito matapos ang ilang araw.
lahat ng babaeng nag-positive sa screening test ay dapat makatanggap ng agaran at nararapat na lunas.
Ano ang mga senyales at sintomas ng cervical cancer?
Walang tanda o sintomas ang mga maagang pagbabago ng pre-cancer. Tanging screening lang ang paraan para malaman kung ikaw ay may precancerous na lesion o wala.
Kalaunan, ang mga tanda ng cervical cancer ay:
- Mabahong discharge mula sa pwerta
- Pagdurugo ng puwerta pagkatapos ng sex
- Pagdurugo matapos ang menopause
Ang babaeng nakakaranas nito ay dapat agad na makipag-ugnayan sa healthcare provider.
Mungkahing Basahin:
No Comment to " FAQ Ukol sa Cervical Cancer "