Kilalanin si Johnny Delgado
Eksaktong 13 taon na ang nakararaan, nawalan ang industriya ng pelikula ng isa sa mga beterano at de-kalibreng aktor sa Pilipinas na si Johnny Delgado, nang pumanaw siya sa edad na 61 noong Nobyembre 19, 2009, sa lungsod ng Quezon.
Ilang araw bago siya binawian ng buhay dahil sa lymphoma, nakalabas pa siya sa St. Luke’s Medical Center sa lungsod ng Makati, matapos siyang ma-confine doon para ipagamot ang kanyang kanser.
Taong 2008 nang ma-diagnose si Delgado na may kanser siya, at sumailalim siya sa chemotherapy at gumaling rin. Lumabas pa siya sa teleserye ng ABS-CBN na “May Bukas Pa”, pero iyon na ang huling beses na nakapag-acting pa si Delgado.
Matapos dumalo sa birthday celebration ng kanyang kaibigan at dating Senador Jinggoy Estrada, muling bumalik ang kanyang kanser, pero sa pagkakataong ito, hindi na siya nakaligtas pa. Inilibing si Johnny Delgado sa Loyola Memorial Park sa lungsod ng Marikina.
Isinilang noong ika-29 ng Pebrero, 1948 si Juan Marasigan Feleo sa lungsod ng Maynila, at anak ng film director na si Ben Feleo at gurong si Victorina Marasigan.
Nagtapos si Juan Feleo sa Colegio de San Juan de Letran, at nang pumasok sa mundo ng pelikula at telebisyon, nakilala siya sa kanyang screen name na “Johnny Delgado”.
Una siyang nakita sa pinilakang tabing, sa pelikula noong 1968 na “Bawat Kanto Basagulo”, at mula noon, sunud-sunod na ang mga pelikulang ginampanan niya, gaya ng “Jaguar” noong 1979, “Kakabakaba Ka Ba?”, “Agila” at “Brutal” noong 1980, “San Basilio” noong 1981, sa pelikula ni Fernando Poe, Jr. na “Ang Padrino” noong 1984, “Pepeng Kuryente: Man With A Thousand Volts” at “A Dangerous Life” noong 1988, “Alyas Pogi: Birador ng Nueva Ecija” noong 1990, sequel nitong “Alyas Pogi 2” noong 1991, “Tanging Yaman” noong 2000, “Kailangan Kita” noong 2002, “Pakners” noong 2003 na huling pelikula ni FPJ, “La Visa Loca” noong 2005, animated movie na “Urduja” noong 2008, at sa huling pelikula niyang “Labing-labing” noong 2009, katambal ang kanyang asawang si Laurice Guillen.
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Kilalanin si Johnny Delgado "