Francisco Trinidad: Ama ng Radyong Pilipino


Bago pa man umusbong ang mga telebisyon at iba pang biswal na media, radyo na ang naging instrumento ng malawakang komunikasyon, paghahatid ng impormasyon, pagbabalita at maging ng propaganda sa alinmang mga bansa, kabilang na ang Pilipinas.


At sa araw na ito, Oktubre 10, ginugunita ang ika-106 taong kaarawan ng itinuturing na “Ama ng Radyong Pilipino” na si Francisco “Koko” Trinidad, na ipinanganak noong 1915 sa lungsod ng Maynila.


Nagtapos ng pag-aaral sa Manila North High School (ngayo’y Cayetano Arellano High School) si Koko Trinidad, at saka nagtrabaho sa Far Eastern Broadcasting company bilang radio announcer at program arranger, at saka naging production coordinator at production manager.


Noong panahon ng digmaan, nagsilbi rin siyang director ng stage productions sa Avenue, Lyrics and Strand Theatres.


Pagkatapos ng digmaan, nagsilbi naman siyang kawani at naging general manager ng Philippine Broadcasting Service. Habang nagsilbing instructor sa University of the Philippines (UP), tumulong siya sa pagtatatag ng kasalukuyang College of Mass Communications.


Naging mahalaga ang kontribusyon ni Koko Trinidad sa distance learning methods, kung saan ginamit niyang instrumento ang radyo upang ihatid sa mga estudyante ang leksyon at mga aralin sa eskwelahan. Katuwang ang Bureau of Public Schools (ngayong Department of Education), ginamit niya ang kanyang istasyon ng radyo para iere ang mga instructional programs ng mga pampublikong eskwelahan sa buong bansa. Kasama ring naiere sa mga radyo ni Trinidad ang nasa sesyon ng Kongreso.


Mula 1986 hanggang 1990, naglingkod si Trinidad bilang National Commission of the Philippines sa UNESCO, at naging program director ng Radyo Veritas Asia.


Pumanaw si Koko Trinidad sa edad na 85 noong ika-21 ng Enero, 2001 at naulila niya ang kanyang misis na si Carolina Flores o “Lina Flor“, na manunulat ng radio drama na “Gulong ng Palad”.


Sanggunian:
• Project Vinta (2020, October 10). On October 10, 1915, Francisco “Koko Trinidad” was born in Manila. [Post caption]. Facebook. https://m.facebook.com/pvinta/posts/2793128067601115
• The Kahimyang Project (n.d). Today in Philippine history, October 10, 1915, Francisco “Koko” Trinidad


Mungkahing Basahin: