Talambuhay ni Wenceslao Vinzons

Ginugunita ngayong araw (Setyembre 28, 2021) ang ika-111 taong kaarawan ng isa sa mga Pilipinong naging martir para sa kalayaan ng ating bansa mula sa agresyon ng mga Hapones noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig si Wenceslao “Bintao” Vinzons.


Ipinanganak siya noong 1910 sa bayan ng Indan, Camarines Norte at anak nina Gabriel Vinzons at Engracia Quintos. Kumuha siya ng kursong abogasya sa University of the Philippines (UP) Manila campus, at habang nag-aaral, naging isa siyang lider estudyante, naging pinuno at punong editor ng Philippine Collegian, opisyal na peryodiko ng UP, at mahusay na orador ang batang Vinzons. Nagtapos at pumangatlo siya sa mga pumasa sa bar examination noong 1932.


Itinatag niya ang Young Philippines Party, kung saan naging kapartido niya si Arturo Tolentino at ang magiging Pangulo ng Pilipinas na kalauna’y magiging mainit na target ng mga aktibista na si Ferdinand Marcos. Sa edad na 24, siya ang pinakabatang miyembro ng Constitutional Convention ng 1934 bilang kinatawan ng Camarines Norte, na siyang punong abala sa pagbabalangkas ng Konstitusyon ng 1935 ng bagong pamahalaang Commonwealth. Isa siya sa mga lumagda ng naturang Konstitusyon at nangampanya rin siya para kay Emilio Aguinaldo. Ang resulta, si Aguinaldo ang may pinakamalaking boto sa lalawigan ng Camarines kumpara kay Manuel Quezon at Gregorio Aglipay.


Nanungkulan rin si Vinzons bilang Gobernador ng Camarines Norte noong 1940 at nahalal ring kinatawan ng naturang lalawigan sa National Assembly, pero hindi na niya nagampanan dahil sa sorpresang pag-atake ng mga Hapones sa Pilipinas. Pinangunahan ni Vinzons ang armadong pakikibaka ng mga Bikolano laban sa mga Hapones, kung saan higit 2,800 gerilyang Bikolano ang lumaban sa ilalim ni Vinzons. Pahirapan ang pagtugis ng mga Hapones kay Vinzons, hanggang isang kapwa-gerilya ang nagkanulo sa kanya sa mga Hapones. Pagkaraang mahuli noong ika-15 ng Hulyo, 1942, ang 32-anyos na si Wenceslao Vinzons ay binayoneta hanggang mamatay, at hindi rin pinatawad ng mga Hapones ang kanyang ama, kanyang misis at dalawa nilang anak. Inilibing sila sa hindi pa matukoy na lugar.


Tinaguriang “Ama ng Student Activism” sa Pilipinas si Wenceslao Vinzons dahil siya ang maituturing na unang kabataang aktibistang nanguna sa paghingi ng kalayaan ng ating bansa mula sa mga dayuhan. Dala-dala ngayon ng dating bayan ng Indan ang pangalan ng dakila nitong anak, at sa kanya rin ipinangalan ang isa sa mga gusali ng UP Diliman sa Maynila.


Sanggunian:
• Icatlo, A. C. (2019, October 1). Wenceslao Q. Vinzons, Filipino exemplar. Inquirer.net. https://opinion.inquirer.net/124327/wenceslao-q-vinzons-filipino-exemplar
• Wikipedia (n.d.). Wenceslao Vinzons. https://en.m.wikipedia.org/wiki/Wenceslao_Vinzons