On
patintero

Ang patintero ay isang larong pambatà. Tinatawag din itong “harangángtagâ” at malimit laruin noon sa lansangan kung gabi kapag maliwanag ang buwan.


Maaari din itong laruin sa bakuran at sa palaruan ng paaralan. Ang mahalaga ay makinis ang palaruan at maaaring guhítan. Tinawag itong “patintéro,” mula sa Espanyol na tintero o sisidlan ng tinta, dahil iginuguhit sa paglalaruan ang isang malaking rektanggulo na may guhit na mahabà sa gitna—tinatawag na patúto—at dalawa pang guhit na dibisyon. Tubig noon ang ipinangguguhit sa lupa at uling kapag sementado ang paglalaruan.


Nilalaro ito ng dalawang pangkat na may magkatulad na bilang ng miyembro. Ang bilang ng miyembro ay alinsunod sa mga guhit na dapat bantayan sa loob ng rektanggulo. Pinakamaliksi ang nagbabantay sa patúto. Ang tungkulin ng mga tayâ ay huwag papasukin sa rektanggulo ang sinuman sa kalabang pangkat. Ginagamit ang kamay sa pagtagâ (kayâ “harangang-taga”) o pagharang sa kalaban. Mahalaga dito ang linlangan at liksi. Kailangang makapasok nang hindi natatagâ mula sa unang guhit ang “lumulusob,” makaraan sa mga guhit na dibisyon, makalabas sa hulíng guhit ng rektanggulo, muling makapasok at makabalik sa pinagmulan upang magwagi. Kapag natagâ ang sinuman sa “lumulusob”, ang pangkat ng “lumulusob” naman ang humahaliling tayâ.


Pinagmulan: NCCA Official via Flickr


Mungkahing Basahin: